Home » Blog » SAINTS OF OCTOBER: SANTA EDUVIGIS (HEDWIG), NAMANATA SA DIYOS

SAINTS OF OCTOBER: SANTA EDUVIGIS (HEDWIG), NAMANATA SA DIYOS

OKTUBRE 16

A. KUWENTO NG BUHAY

Medyo kakaiba sa pandinig ng isang Pilipino ang pangalan ng ating santa. Wala pa yata akong nakilalang babae sa ating bansa na ganito kahirap bigkasin ang pangalan – Eduvigis. Pero sa Ingles, ang kanyang pangalan ay Hedwig at sinasabi naman sa Aklat sa Pagmimisa sa Roma na ang isang salin ng pangalan niya ay Heidi na medyo popular na pangalang pambabae sa ating bansa.

Matutunghayan natin ang kuwento na nagpapatunay na hindi hadlang ang pagiging mayaman at sikat tungo sa tunay na kabanalan. Sa pagsubaybay sa iba’t-ibang mga volumes ng seryeng ito, siguro ay nabasa na ninyo ang maraming tao na mula sa marangyang pamilya at may mataas na pinag-aralan na talaga namang umaapaw sa kabutihan at kababaang-loob.

Si Santa Eduvigis ay isinilang upang maging isang dukesa (asawa ng duke, isang mataas na posisyon sa lipunan). Ipinanganak siya noong 1174 sa amang si Conte Berthold IV at sa asawa nitong si Agnes.

Isa sa kanyang mga kapatid ay naging isang abbess o pinuno ng mga mongha sa isang monasteryo.  Dalawang kapatid na lalaki naman ay naging mga obispo.  Ang isang kapatid na babae niya ay naging reyna ng France. At ang isa pa niyang kapatid, si Gertrude, ang reyna ng Hungary, na naging ina naman ni Santa Elizabet ng Hungary. Mag-tiyahin o mag-ale ang dalawang santa ng pamilya, dahil pamangkin ni Santa Eduvigis si Santa Elizabet.

Mula sa pagkabata, naging maganda ang paghahanda at edukasyon ni Eduvigis sa monasteryo ng mga monghang Benedictine.  Dito niya natutunan ang panalangin at pagmamahal sa Salita ng Diyos.

Ikinasal si Eduvigis kay Enrique I (Henry I) ng Silesia. Ang Silesia ngayon ay isang rehiyon ng Poland na ang kultura ay malapit sa German.  Kaya nga nais ng mga tao sa lugar na iyon na kilalanin ang pagkakaiba nila sa bansang kinabibilangan nila ngayon.

Nagbunga ng pitong supling o anak ang pagmamahalan ni Santa Eduvigis at ng kanyang asawa.  Naging mabuting ina siya sa kanyan mga anak. Naging matatag na tagapagtaguyod din siya ng mga adhikain ng kanyang asawa. Nang masangkot sa magulong mundo ng pulitika ang panunungkulan ng kanyang asawa, hindi niya ito iniwan kundi lagi niyang ginabayan at ipinagdasal.

Parehong maka-Diyos at mapag-kawanggawa ang mag-asawa. Nagbigay sila ng lupa para tayuan ng monasteryo. Si Santa Eduvigis ay nakilala sa kanyang paglingap sa mga mahihirap, sa mga balo o biyuda at ulila, sa mga maysakit at ketongin. Walang lumapit sa kanya na hindi niya binigyan ng anumang tulong, kahit na maliit lamang.  Halos lahat ng kanyang salapi ay inilaan niya sa pagtulong sa kapwa tao.

Nang mamatay ang kanyang asawa, minabuti ng santa na mamuhay sa isang monasteryo. Dito, kahit hindi siya pormal na namanata bilang isang mongha, inilaan niya ang kanyang buhay sa panalangin at sakripisyo.

Namatay siya noong 1243 at inilibing sa monasteryo sa tabi ng puntod ng kanyang asawa.

B. HAMON SA BUHAY

Madalas sabihin ng mga tao: kung mayaman lang ako, tutulong ako sa mahihirap! Una, hindi kailangang maging mayaman upang tumulong sa kapwa dahil kahit ang simpleng tao ay maaaring maging napaka-mapagbigay. Pangalawa, marami naman ang naging mayaman nga, pero nakalimutan ang kanilang pangako. Ikaw, paano mo ninanais na makatulong sa mga nangangailangan?

K. KATAGA NG BUHAY

Mt 12, 50

Ang nagsasagawa sa kalooban ng aking Ama sa Langit ang aking kapatid na lalaki at kapatid na babae at ina.

(From the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)