Home » Blog » IKA-29 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-29 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

SA AWTORIDAD… AT SA DIYOS!

MT. 22: 15-21

MENSAHE:

“Ibigay sa emperador (o pinuno) ang sa kanya, at sa Diyos ang para naman sa kanya.” “Ayun o!” tiyak sasabihin ng iba. Marami na kasing nag-iisip na ang kahulugan ng Panginoong Hesukristo sa mga salitang ito ay “paghihiwalay” – ng simbahan at gobyerno, ng relihiyon at pulitika, ng pansariling pananampalataya at pampublikong kilos. Pero sandali, hindi sinabi ng Panginoon na “Ibigay sa emperador… SUBALIT sa Diyos…” kundi “Ibigay sa emperador… AT sa Diyos…” Dalawang larangan ng buhay ang tinutukoy dito pero hindi “paghihiwalay” kundi “pagkaka-ugnay” ang nakikita ng Panginoon sa kanila. Bawat isa sa atin ay may isa lamang taglay na katawan, na pagkatao. Isang tao lang ang sabay na namumuhay sa lipunan at sumasamba sa Diyos. Iisa lang ang ating sarili, hindi dalawang sarili na tumatahak sa magkasalungat na landas. Malinaw na may ugnayan, at kaya kailangan ang pagsasama ng ating buhay sa mundo at ng pananampalataya sa Diyos. Sa mundong ito, bawat Kristiyano ay dapat kumilos nang tama at maging mabuting halimbawa, hindi lamang sa pagsunod sa batas o awtoridad kundi maging sa pagiging propeta ng Diyos kung kinakailangan. Iginalang ng Panginoong Hesukristo ang batas ng mga tao subalit sinikap din niyang ipakilala dito ang kalooban at paghahari ng Diyos na dapat ding isabuhay sa mundong ito. Maraming mabubuting Kristiyano, tulad ng mga santo, noon man at ngayon, na sa kanilang pagnanasang maging mabuting mamamayan ay nagpapahayag din ng pagdadalisay ng makamundong kaugalian sa pamamagitan ng mga Kristiyanong katuruan. Ilan sa kanila ang dumanas ng hirap dahil sa pagsusulong ng Kaharian ng Diyos at ng dangal ng bawat buhay.  Ang nagsisilbing inspirasyon nila, at dapat din nating sundin, ay ang pananampalataya sa Diyos. Taglay ang pananampalatayang ito, hindi lamang tayo basta sasang-ayon sa mundo kundi magsisikap ding panibaguhin ito ayon sa adhikain ng Diyos.

MAGNILAY:

Iba ba ang ipinakikita mong ugali sa mundo kaysa ugali mo sa loob ng simbahan? Ang pananampalataya mo ba kay Hesus ang iyong inspirasyong mabuhay sa katotohanan, magtaguyod ng kapayapaan, at tumulong sa iyong kapwa? Ngayong Linggo, sa Misa, ipagdasal nating mapag-ugnay at mapagsama natin ang ating pansariling pananampalataya at ang ating pampublikong paglilingkod sa mundo.

“Let us pray daily for peace in our hearts, in our country, and in the world, esp. in the Middle East, Ukraine, and in other parts of the world in volatile situations. Lord, grant us Your peace! Amen.”

ourparishpriest 2023