Home » Blog » IKA-30 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-30 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

HINDI KA MAGKAKAMALI SA PAGMAMAHAL

MT 22: 34-40

MENSAHE:

Isa sa mga pinakamatagumpay na Katolikong youtuber ang nagpapalabas lamang ng buhay ng mga santo. Bawat bagong post nito ay umaani agad ng daan-daang views. Bakit? Dahil ang mga santo ay kaakit-akit pa rin sa mga tao ngayon dahil sa buhay na ebanghelyong nakikita natin sa kanila. Sa Tradisyon ng simbahan, ang halimbawa ng mga santo ay isang mahalagang haligi ng pananampalataya. Naunawaan ng mga santo ang aral ng Panginoong Hesukristo sa Mabuting Balita ngayon – isang pag-ibig sa dalawang magkaugnay na pagpapahayag.

Ang pagmamahal sa Diyos ay pagsamba, pero hindi iyong nakagawian, tradisyon, o obligasyon lamang. Sa halip, ang tunay na pag-ibig sa Panginoon ay buong pag-aalay ng sarili sa kanya na unang nagmamahal sa atin. Siya ang karapat-dapat sa ating buong puso, isip at kaluluwa habang tayo’y nagdarasal, tumatanggap ng mga sakramento, at tumutupad sa kanyang kalooban sa ating pangaraw-araw na buhay.

Ang pagmamahal sa kapwa naman ay paglilingkod, at muli, hindi iyong pakitang-tao, may kapalit, o napilitan lang, kundi bumubukal sa pagkilala natin sa ating sarili bilang minahal at pinagpala ng Panginoon. Kung paanong dama natin ang Diyos sa pagsamba, gayundin dama natin ang situwasyon ng ating kapwa sa kanilang dalamhati, kapanglawan, karamdaman o pangangailangan.

Itong aral na ito ng pag-ibig, bagamat kahanga-hanga ay hindi madali, kaya nga siguro ginawang batas ng mga sinaunang Hudyo. Subalit para sa Panginoong Hesukristo, itong batas na ito ay hindi din imposible, dahil ang bumabalot dito ay hindi pamimilit o pananakot, kundi pagmamahal. Ipinakikita sa atin ng mga santo, na posibleng magmahal, kahit hindi perpekto, kundi sa pamamagitan ng mumunting paraan sa ating abang buhay.

MAGNILAY:

Talaga bang kaya nating mahalin ang Diyos at balewalain ang ating kapwa? Talaga din bang maaaring mahalin lang ang kapwa at talikuran ang Panginoon? Sa Misa, ipagdasal nating makamit ang karunungan ng mga santo na sa biyaya ng Panginoong Hesukristo ay natutong magmahal nang buo at kumpleto. Ang Diyos una sa lahat; tama! Subalit, ang Diyos din sa mukha ng kapwa, ang Diyos din sa pamamagitan ng kapwa; tama din!

“Let us pray daily for peace in our hearts, in our country, and in the world, esp. in the Middle East, Ukraine, and in other parts of the world in volatile situations. Lord, grant us Your peace! Amen.”

ourparishpriest 2023