IKA-31 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
SA KANYA, HINDI MABIBIGO
MT 23: 1-12
MENSAHE:
Minsan ka na bang nadismaya sa boss sa trabaho, sa guro sa paaralan, sa pinuno sa gobyerno at sa lingkod o kasama sa simbahan? Hindi ka nag-iisa diyan! Sa unang pagbasa, binabanatan ng Diyos ang mga pari ng Israel sa kanilang paglihis sa tamang katuruan at hindi pantay-pantay na pakikitungo sa mga tao (Mal 1 at 2). At sa Mabuting Balita, kitang-kita ang pagbatikos ng Panginoong Hesukristo sa mga eskriba at Pariseo na umangkin ng kapangyarihan subalit walang magandang halimbawang matutularan ng mga tao.
Ang pangit na gawain ng mga pinuno, sa simbahan man o lipunan, ay nakawawala ng tiwala, pag-asa at maging ng pananampalataya. Tinatamad ang mga batang pumasok sa klase. Nangingibang-bansa ang mga tao. Ang mga mananampalataya ay humahanap ng ibang kabibilangan.
Ang mga salita ng Panginoon ay madiin subalit banayad pa ding hamon at paanyaya sa mga lider na magbago at maging totoo na; na maging unang tumanggap na kailangan nilang magbalik-loob sa Diyos. Subalit tinatawag din ng Panginoong Hesus tayong mga tagasunod na patuloy umasa kahit nasa bingit na ng kabiguan at pananamlay. Paano? Kung nakakawalang gana ang mga pinuno, tandaan na iisa ang ating Guro – si Hesus! Tandaang mayroon tayong Ama – ang Diyos mismo! At may Panginoon tayong sinusundan – si Hesus pa rin! Walang relihyon o institusyon na perpekto, tanggapin natin iyan, tulad ding lahat tayo ay may kahinaan at kapalpakan kahit sa gitna ng ating pagsisikap na magbago at magpakabuti.
Huwag sa tao tumingin, kundi sa Diyos. Huwag sa tao humugot ng pag-asa at lakas ng loob kundi sa Panginoon.
MAGNILAY:
Madami tayong inaasahan sa ating mga lider sa simbahan man o lipunan, pero ipinagdarasal ba natin silang maging matatag sa pananampalataya, tama sa pasya, at mabuti sa kanilang mga kilos? Ipagdasal din natin ang ating mga sarili upang ituon lamang natin ang ating pag-asa sa Diyos na siyang pinakamatatag at pinakamatibay na bukal ng ating lakas. Siya lamang ang hindi bibigo sa atin anuman ang mangyari.
“Let us pray daily for peace in our hearts, in our country, and in the world, esp. in the Middle East, Ukraine, and in other parts of the world in volatile situations. Lord, grant us Your peace! Amen.”