Home » Blog » IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON; VERSION ON MERCY

IKA-27 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON; VERSION ON MERCY

ANG “MALUPET” NA AWA NG DIYOS

(Batay sa Pambungad na Panalangin sa Misa)

MENSAHE:

Ipako natin ang pagninilay natin ngayon, hindi sa mga magagandang pagbasa, kundi sa Pambungad na Panalangin: “Ama naming makapangyarihan, ang iyong dakilang pagkamaawain ay nangingibabaw sa aming ginagawang kabutihan at idinadaing na mga kahilingan. Ang kagandahang-loob mo sa amin ay gawin mong mag-umapaw upang ang kasalanang ipinangangambang ihingi ng kapatawaran ng budhi naming takot na ikaw ay lapitan ay iyong patawarin nang lubusan at ang ipinag-aalangan naming hilingin sa pagdarasal ay iyong pagbigyang aming makamtan sa pamamagitan ni Hesukristo kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan.”

Isang manunulat ang nagsabing ang panalanging ito ay nagpapakita ng “malupit na kabutihang-loob o awa” ng Diyos. Sobrang “lupit” dahil sa simula pa lamang, inaamin nating ang Diyos ay “nag-uumapaw” sa pagkamaawain at pagkamabuti. Maawain siya sa ating ginagawang kabutihan. Kahit aminin pa nating hindi tayo laging tagumpay sa pagiging mabuti sa mundong ito, tanggap niya tayo.

Ganun din sa ating mga kahilingan. Hindi ba ang dami at ang tayog ng ating mga kahilingan? Minsan, pakiramdam nati’y hindi tayo karapat-dapat humingi pa sa Kanya. Subalit ang Diyos ay “higit pa sa lahat ng inaasam” ng ating puso. Maaari tayong maghangad ng pinakamataas na bagay subalit ang makamit ang Panginoon ay higit sa lahat ng ito.

Pagkatapos, binabanggit ng panalangin ang “kagandahang-loob ng Diyos,” ang kanyang dakilang habag at awa. Nag-uumapaw ang awa niya “maging sa kasalanan” na ikinatatakot o ikinahihiya nating ilapit sa kanya. Minsan hindi natin mapatawad ang ating sarili o matanggap ang ating kapalpakan subalit ibahin mo ang Diyos. Sa susunod na mag-Kumpisal tayo, napakagandang tandaan pala nito para magkaroon tayo ng kapayapaan.

Umaapaw din ang awa niya sa ating mga kahilingan, maging iyong hindi natin mabanggit o mahingi dahil akala natin hindi tayo karapat-dapat. Oo, humihingi tayo sa Diyos pero minsan natitigilan tayo dahil baka imposible o hindi para sa atin. Tandaan natin, ibibigay niya ang higit pa at lalong mabuti dahil siya ay Ama, Kapatid, at Kaibigan na nakaaalam ng tunay nating kailangan. Kaybuti ng Diyos; umaapaw sa awa at patawad. Siya ang Ama ni Hesus at atin din. Salamat at ganito po Kayo, Panginoon!

MAGNILAY:

Kailan mo huling pinag-isipan na maawain at mabuti ang Diyos? Ngayon, balikan mo ang iyong buhay at kilalanin ang mga paraan kung saan ipinakita niya ang kanyang awa s aiyo sa maliliit man o malalaking paraan. Hilingin mong lagi mo sanang kilalanin ang awa ng Diyos at maging maawain ka din sa mga taong nakapaligid sa iyo araw-araw.

ourparishpriest 2023

(A Holy Recommendation:

I recently came across a humble yet wonderful shop on Lazada called “St. Joseph’s Little Shop.” They offer a range of unique and beautiful items related to St. Joseph. If, like me, you’re a devotee of St. Joseph, you’ll find this store to be an excellent source for your devotional items. Moreover, they have a selection of other religious materials beyond those centered on St. Joseph. I highly recommend visiting their site. Please note that this recommendation is voluntary and unpaid.)