SAINTS OF NOVEMBER: SAN JOSAFAT, OBISPO AT MARTIR
NOBYEMBRE 12
A. KUWENTO NG BUHAY
Pagkakaisa sa ilalim ng simbahan sa Roma ang pinakamimithi ng ating santo sa araw na ito. Isa siyang tanda ng panalangin at pangarap natin para sa ekumenismo, ang pagkakaisa muli ng mga Kristiyanong nagkahiwa-hiwalay.
Para mas maunawaan, ang mga Kristiyanong nais akayin ni San Josafat sa pagkakaisa ay ang mga Ortodoso (Orthodox Christians) na nakakalat sa buong daigdig subalit ang tradisyong sinusunod ay ang sinaunang buhay-pananampalataya mula sa Silangan.
Mula sa isang pamilyang Ortodoso si Juan Kuncevic na ipinanganak noong 1580. Sila ay taga-Lithuania. Nang lumaki naging isang businessman si Juan sa lungsod ng Vilna. Nagpasya siyang sumapi sa Uniate Ruthenian Church (isang sanga ng Ortodoso na muling nakipagbalikan sa pakikipagkaisa sa Roma).
Naisip ni Juan na tanging ang mga monghe ang magiging matagumpay sa pagdadala ng pagkakaisa sa simbahan. Ang mga monghe ay mapag-sakripisyo at mapagmahal sa liturhiya. Nais niyang mapag-ugnay ang mga Orthodox Ruthenians sa Roma.
Naging isang monghe si Juan at tinanggap niya ang bagong pangalan na Josafat. Kasama ang isang kaibigang monghe din, sinimulan nila ang gawain ng reporma para sa mga mongheng Basilian (sumusunod sa alituntunin ni San Basil).
Nangaral si San Josafat ng pagkakaisa ng mga magkakapatid na Kristiyano. Nagsulat din siya upang ilarawan ang kahulugan ng pagkakaisa. Sa kanyang bansa noong panahong iyon, tatlo ang grupo ng mga Kristiyano – ang Katoliko, ang Ortodoso at ang Greek Uniate (ang salitang Uniate ay isang “bansag” na nangangahulugan na bumalik o nakipagkasundo na sa Roma; hindi na ginagamit ngayon ang salitang ito dahil noong una ay may negatibong kahulugan ito).
Si San Josafat ag unang sumapi sa unang monasteryo ng mga Basilian na nakipag-isa muli sa Roma. Naging pinuno siya ng monasteryo na ang tawag ay archimandrite (parang abbot o abad sa tradisyong Katoliko).
Nahirang siyang maging katuwang na arsobispo ng Polotsk at naging kahalili ng arsobispo nang mamatay na ito noong 1617. Nais niyang ipahayag ang pananampalatayang Katoliko sa mga Ruthenians kaya masipag siyang nagdaos ng mga pulong o synod, nagbigay ng katekesis, at nagtuwid sa mga paring nagkakamali.
Marami siyang nakaaway dahil maraming nasagasaan ang kanyang mga pagbabagong ginawa at ang kanyang mga aral na itinuturo. Marami ding mga tao na ayaw ng pakikipagisa sa Roma na kanyang isinulong dahil natatakot silang mawala ang kanilang mga mahal na tradisyon.
Isang may mataas na posisyon ang nag-akusa kay San Josafat na binabasag nito ang kapayapaan dahil sa kanyang mga hangarin. Naimpluwensyahan ang ilang mga tao na patayin ang arsobispo at itapon sa ilog ang kanyang katawan. Namatay siya noong 1623 sa lugar na ngayon ay bahagi ng Belarus.
B. HAMON SA BUHAY
Mas madaling magsabog ng pagkakahiwalay at pag-aaway ng mga tao. Mas mahirap maging tagapagdala at tagapagpanatili ng pagkakaisa. Sana sa tulong ng Diyos ay maging kasangkapan tayo ng pagkakaisa sa ating paligid.
K. KATAGA NG BUHAY
Lk 10, 2
Marami ang aanihin at kakaunti naman ang mga manggagawa; idalangin ninyo sa panginoon ng ani na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang ani.
(from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)