Home » Blog » SAINTS OF NOVEMBER: SAN COLUMBANO, ABAD

SAINTS OF NOVEMBER: SAN COLUMBANO, ABAD

NOBYEMBRE 23

A. KUWENTO NG BUHAY

Sa kasaysayan ng simbahan, may isang malaki subalit tahimik na kontribusyon ang bansang Ireland sa pagpapanatili at pagpapatuloy ng buhay ng simbahan lalo na noong tinatawag na Dark Ages.  Ang mga monghe mula sa Ireland ang naging susi upang maitago, magawan ng kopya, at mapamudmod pagkatapos, ang mga mahahalagang aklat tulad ng Bibliya at iba pang mga akda.  Na-preserve nila ang mga pamana ng simbahan sa kabila ng kaguluhan at kadilimang pinagdaan noon.

Ngayon sa ating bansa tumatak naman ang paglilingkod ng mga misyonerong pari at madre mula sa Ireland na naglingkod sa ating bayan mula Luzon hanggang Mindanao.  Maganda ang ipinakita nilang pakikiisa sa mga tao lalo na sa mga mahihirap at inaapi. Naipunla nila ang binhi ng pagiging misyonero sa puso ng maraming Pilipino.

Isang santo mula sa Ireland ang pinararangalan natin at nagmula pa siya noong taong 543 sa luntiang bansang ito. Ang pangalang Columbano ay nangangahulugan ng kalapati.

Bata pa lamang ay nakakitaan na ng kasipagan sa pag-aaral at likas na karunungan si San Columbano. Ang magkatuwang na katangiang ito ay nagbunga ng isang kabataan na magaling sa iba’t-ibang larangan ng pag-aaral noong panahong iyon, kabilang na ang kahusayan sa Bibliya o Banal na Kasulatan.

Nag-aral si San Columbano sa ilalim ng mga magagaling na guro, na nakilala niya lalo na nang pumasok siya sa monasteryo sa Bangor. Pero hindi sapat ang mag-aral lamang para sa santo.  Ninais niyang maglakbay sa Europa upang ibahagi ang kanyang natutuhan.

Mula sa Ireland, naglakbay siya at ang 12 kasama niya patungo sa France. Pagdating sa kanyang misyon, mapalad na nakuha ni San Columbano ang ninanais niyang lupa upang gawing monasteryo. Isa-isa niyang itinatag ang pundasyon ng mga monasteryo. Kahit na nasa liblib na lugar ang mga ito, maraming mga deboto ang dumadayo sa kanyang mga monasteryo upang magdasal at mag-alay ng sakripisyo.

Dumami ang mga monghe na kasama ni San Columbano. Umabot pa nga ito sa halos 250 ang bilang. Nagsulat siya ng isang panuntunan ng buhay ng mga monghe para maging gabay nila sa araw-araw.

Nagsulat din siya ng isang gabay para sa pagpapakumpisal. Dito ipinakita niya ang kahalagahan ng personal na pagkukumpisal sa pari.  Tinuruan din ang mga pari na maging mabuti sa pagpapasya kung anong parusa ang ipapataw sa mga nagkumpisal ng mga kasalanan.

Nang makita ng mga obispo ng France ang kasikatan at impluwensya ni San Columbano, naghanap sila ng mga bagay na maibibintang sa kanya. Nais ng mga obispo na sumunod si San Columbano sa kanilang mga kaugalian sa France samantalang may sariling tradisyong Celtic na sinusunod ang santo sa mga monasteryo niya.

Dahil sa alitang ito at sa di-pagkakasundo sa ilang miyembro ng royal family, ang santo ay napilitang umalis ng France at lumipat sa Italy. Dito naging mabunga muli lahat ng simulain ni San Columbano. Marami siyang nabighani upang magpabinyag bilang Kristiyano. Naging matatag ang monasteryo na kanyang ipinunla sa lugar na tinatawag na Bobbio.  Namatay siya dito noong taong 615.

B. HAMON SA BUHAY

Sinasabing si San Columbano, bagamat mabait na tao, ay matapang din at malakas ang loob maging sa pagharap sa mga taong kanyang itinutuwid. Ipagdasal natin na magkaroon tayo ng tapang na isabuhay araw-araw ang ating mga paninindigang Kristiyano.

K. KATAGA NG BUHAY

Salmo 37: 30

Karunungan ang namumutawi sa bibig ng matuwid, katarungan ang winiwika ng kanyang dila.

(from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)