Home » Blog » IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA A

IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA A

NAGHIHINTAY SA ATING TUGON

JN 11: 1-45

 

Dalawang bagay ang nakaantig sa akin sa Mabuting Balita ngayon. Ang una: Nang magtagpo ang Panginoong Hesus at ang kaibigang si Marta, na namatayan ng kapatid na si Lazaro, tinanong niya ito: “Sumasampalataya ka ba?” Tumugon si Marta bilang matapat na kaibigan at alagad: “Opo, Panginoon, sumasampalataya ako.”

 

Bakit nagtanong pa? Loyalty check ba ito? Kailangan pa ba i-test si Marta? May mga pagkakataong bago maghimala ang Panginoong Hesus, tinitiyak muna niya ang pananalig ng taong kaharap niya. Mahalaga sa Panginoon na ipahayag ng tao ang kaniyang pananalig. Pananampalataya ang nagbubukas ng pinto sa himala, samantalang ang kawalan nito ang bumubulag sa tao kahit sa gitna ng mga kamangha-manghang kilos ng Diyos sa ating mundo.

 

Naisulat ng Jesuit na si Anthony de Mello: “Hindi tayo nakakakita ng himala kasi hindi tayo umaasang may himala; umasa ka na may himala at makikita mo ito!” Totoong nais ng Diyos na pumasok sa kasaysayan, sa ating buhay at puso, at gumawa ng mga himala, malaki man o maliit. Kung bukas ang mata na umaasa at nagpapasalamat, darating ang himala kahit hindi tulad ng ating inaasahang maganap o kahit hindi natin lubos na maunawaan ang lahat. Nang mamatay ang aking kaibigan dahil sa kanser, sinabi ng bunso niya sa parangal: “Nagdasal po kami na maging cancer-free ang Daddy. At ngayon, totoong siya ay cancer-free na!” Hindi madaling tanggapin ang kamatayan ng ama, subalit batid niyang malaya na ito sa paghihirap at nakahimlay na sa bisig ng Diyos.

 

Ang ikalawang napansin ko ay ito: Naniwala si Marta, hindi para sa sarili, kundi para sa kanyang kapatid. At binuhay muli ni Hesus si Lazaro, sa harap ng maraming tao. Naalala ko bigla ang mga magkakaibigang nagdala ng paralitiko sa Panginoon at ibinaba ito mula sa tinungkab na bubong ng bahay. Ang pananampalataya din ng mga ito ang nakita at pinahalagahan ng Panginoon.

 

May mga taong hindi pa naniniwala. Merong ayaw nang maniwala. At merong hindi alam kung maniniwala pa ba o hindi. Kaya kailangan nila ang pananalig ng mga matatag ang pananampalataya. Ngayong Kuwaresma, baka may tao sa buhay mong nanghihina na ang pananalig o tumigil nang umasa pa. Ang ating mga sakripisyo, panalangin, at debosyon… malaking tulong kapag inialay sa iba. Natitigatig ang puso ng Panginoon sa mga tapat na alagad na nagmamahal sa mga mahihina at nagdadalawang-isip. Tinutugon niya ang ating panalangin sa kanyang sariling paraan at sariling panahon.

 

Patuloy tayong manalig sa Panginoon para sa mga himala ng pagbabago sa ating buhay sa tulong ng Kuwaresma. Itaas natin sa Panginoon ang mga taong hindi pa handang tumawag sa kanya.

 

#ourparishpriest 2023