Home » Blog » SAINTS OF OCTOBER: SAN LUCAS, MANUNULAT NG MABUTING BALITA

SAINTS OF OCTOBER: SAN LUCAS, MANUNULAT NG MABUTING BALITA

OKTUBRE 18

A. KUWENTO NG BUHAY

Isinusulat ko ang aklat na ito ng mga santo sa taong 2016, sakop ng Jubilee Year of Mercy at tila akmang-akma sa katauhan at aral ni San Lucas ang tema ng pagdiriwang.  Paborito ko kasi ang Mabuting Balita ni San Lucas dahil kilala ito bilang Mabuting Balita o Ebanghelyo ng Habag ng Diyos (gospel of mercy).

Sa panulat ni San Lucas, mababanaag natin ang tunay na mukha ni Jesus, bilang isang mahabaging Panginoon at Diyos. Lutang na lutang ang kanyang maawaing puso para sa mga mahihirap, maysakit, itiniwalag ng lipunan, at mga makasalanan. Kinikilala si San Lucas na may-akda ng Mabuting Balita at ng Mga Gawa ng mga Apostol.

Dito matatagpuan ang mga aral ng Panginoong Jesukristo na nagpapahiwatig ng puso ng Diyos bilang isang malawak na sisidlan ng awa para sa lahat niyang mga anak lalo na sa mga naliligaw ng landas at nawawala sa kawan.

Maraming tradisyon tungkol sa pagkatao ni San Lucas. May nagsasabing siya ay tubong Syria. Ang kanyang propesyon daw ay bilang isang manggagamot o doktor dahil sa kaalaman niya sa kalikasan ng mga karamdamang pinagaling ng Panginoong Jesus. Sulyapan sa Col 4:14; Filemon 24; 2 Tim 4: 11.

Kasama ni San Pablo si San Lucas sa kanyang mga paglalakbay-misyon at nasa Roma din siya noong huling sandali ng buhay ni San Pablo (2 Tim 4; 11). Pagkamatay ni San Pablo, maaaring nagtungo sa Greece si San Lucas kung saan nagsimula siyang nagsulat.

Ang kanyang ebanghelyo ay tungkol sa buhay ng Panginoong Jesus. Ang Mga Gawa ng mga Apostol naman ay tungkol sa buhay ng batambatang simbahan na ginagabayan ng Espiritu Santo sa paglago sa buong mundo.

Maraming mabubuting taguri sa mga isinulat ni San Lucas. Ayon sa mga eksperto sa Bibliya, ito ang Mabuting Balita ng mga Dukha (gospel of the poor) dahil sa pagpapahalaga sa mga tunay na mahihirap sa lipunan. Ito daw ang Mabuting Balita ng mga Kababaihan (gospel of women) dahil dito ipinakikita ang mataas na pagtingin ni Jesus sa mga babae. 

Ito ang Mabuting Balita ng Ikalawa/ Bagong Pagkakataon (gospel of the second chance) dahil lahat ng mga makasalanan ay ipinakitang binigyan ni Jesus ng tsyansa na magbago at makabilang sa Kaharian ng Langit.  At higit sa lahat, ito ang Mabuting Balita ng Habag ng Diyos (gospel of mercy) dahil nag-uumapaw sa kabutihan ang Diyos sa katauhan ni Jesus na isinalarawan ni San Lucas.

Sa panulat ni San Lucas matatagpuan ang kumpletong mga talinghaga ng awa ng Diyos (parables of mercy): ang nawawalang kusing, ang nawawalang tupa, at ang alibughang anak (Lc 15).  Kung susuriin, ito ang pinakapuso ng lahat ng aral ni Jesus kaya sinasabing ito ang “maliit na Mabuting Balita” (gospel in miniature).  Ito ang napili kong thesis sa aking master’s degree dahil na rin sa inspirasyon ng aking dating propesor na si Fr. Melchor “Boyet” Montalbo.

Maaaring namatay sa natural na kadahilanan si San Lucas matapos ang kanyang misyon. Ngayon siya ang patron saint ng mga doktor at ng mga pintor dahil sinasabing siya ang unang nagpinta ng larawan ng Mahal na Birhen at ng Sanggol na si Jesus. Maraming mga tanyag o sikat na larawan ng Mahal na Birhen ang sinasabing gawa ni San Lucas tulad na lamang ng icon ng Perpetual Help sa Roma at ng Our Lady of Czestochowa sa Poland.

B. HAMON SA BUHAY

Napakasarap marinig ang salitang “mercy” o awa ng Diyos pero ilan sa atin ang tunay na mahabagin tulad ng ating Panginoon? Kanino mo tunay na naranasan ang awa ng Diyos sa iyong buhay? Nagpapasalamat ako sa naranasan kong habag ng Diyos mula sa mga mapagmalasakit na kaibigan tulad nina Msgr. Carlos Estrada, Fathers Edison Escario, Peewee Lazatin, Manolo Punzalan, Arnel Diaz, Archie Cortez, Reynold Oliveros, Clod Bagabaldo, Francis Constantino, Felix Gutierrez, Reynaldo Reyes, Daniel Estacio at Ed Coroza. Binigyan ninyo ng laman ang salitang “mercy of God” para sa akin!

K. KATAGA NG BUHAY

Is 52,7

Ang ganda sa mga bundok ang pagdating ng tagapagbalita nagpapahayag ng kapayapaan, naghahatid ng kaligayahan, nagpapahayag ng kaligtasan, at sinasabi sa Sion: Naghahari ang iyong Diyos!

(from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)

1 Comments