SAINTS OF OCTOBER: SAN JUAN NG CAPISTRANO, PARI
OKTUBRE 23
A. KUWENTO NG BUHAY
Nakuha ang huling bahagi ng pangalan ng santong ito mula sa kanyang tinubuang bayan, ang Capistrano, sa Italy. Isinilang siya dito noong 1386. Kaugalian noon na nakadikit sa pangalan ng tao ang bayang sinilangan niya. Kaya tinawag siyang Juan ng Capistrano (ibig sabihin, taga Capistrano).
Bagamat dayo lamang ang kanyang ama sa Italy, ito na ang naging bayang matapat na pinaglinkuran ni San Juan. Naging gobernador siya ng Perugia, kung saan din siya nagtapos ng pag-aaral. Nang magkaroon ng giyera sa pagitan ng Perugia at ng kalabang puwersa ng mga Malatesta, ikinulong si San Juan. Doon sa piitan, nakita niya ang pangitain ni San Francisco de Asis na inaanyayahan siyang pumasok sa Franciscan Order.
Nang lumaya, ginawa niya ang hinihiling sa kanya at naging isang mabuting Pransiskanong pari na matapat sa buhay panalangin at sakripisyo. Dito niya nakilala ang kanyang guro at gabay na si San Bernardino ng Siena (kapistahan May 20) at naging malapit sila sa isa’t-isa.
Naging magaling na tapagapangaral ng Salita ng Diyos si San Juan. Matagumpay siya sa mga pagdalaw niya sa iba’t-ibang bayan kung saan dumadagsa ang mga tao para lamang siya marinig. Minsan ay mahigit sa isaang-daang libong tao ang nakinig sa kanyang sermon sa isang bayan. Minsan din, isang daang mga estudyante ang nagpasyang magpari bilang Pransiskano dahil sa mensahe niya. Maraming mga Hudyo ang nadala niya sa pananampalataya. Pero may mga nasusulat din sa kanyang pangangaral na may bahid ng pagkamuhi sa mga Hudyo na nag-impluwensya sa ibang tao na saktan ang mga ito.
Nangaral at nagsulat ng marami si San Juan lalo na tungkol sa mga maling turo na lumalaganap sa kanyang panahon. Nakipagtulungan din siya upang magdala ng kinakailangang reporma sa buhay ng mga Pransiskano. Tulad ni San Bernardino ng Siena, pinakalat niya ang debosyon sa Banal na Pangalan ni Hesus. Ipinagtanggol niya ang kanyang guro nang maraming bumatikos sa debosyon na ito.
Nakakagulat pero ang simpleng paring ito ay naging apostolic nuncio o papal legate (kinatawan o sugo ng Santo Papa) sa ilang mga pamahalaan sa Europa. Naging kasangkapan din siya sa pagkakasundo ng mga grupo ng mga Pransiskano na noon ay nagkakawatak-watak dahil sa magkakaibang paniniwala o disiplina ng buhay.
Nang malapit nang sugurin ng mga Turko (na Islam ang relihyon) ang ilang bahagi ng Europa, namuno si San Juan bilang isang tagapangaral at chaplain ng isang krusada (army o hukbo para sa isang digmaang pang-relihyon). Dala niya ang banner o istandarte ng Banal na Pangalan ni Hesus at tinuruan niya ang mga sundalo na sambitin ang Pangalang ito. Nagwagi ang kanyang kasamang hukbo. Kahit nanalo sila sa giyera sa pangunguna ni San Juan, ang santo ay hindi naligtas sa karamdamang dulot ng isang peste sa Europa. Ito ang kanyang ikinamatay noong 1456.
B. HAMON SA BUHAY
Parang walang kapagud-pagod si San Juan ng Capistrano sa pagtupad sa mga gawaing iniaatas sa kanya. Maging inspirasyon nawa natin siya upang maging masipag sa anumang gawain na inaasahan sa atin sa tahanan o trabaho, sa pamayanan o sa simbahan.
K. KATAGA NG BUHAY
Mt 24, 46
Kung sa pagdating ng kanyang amo ay matagpuan siya nitong tumutupad sa kanyang tungkulin, mapalad ang katulong na ito.
(from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)