IKA-33 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
HUWAG MAGSHORT-CUT SA BUHAY
MT 25: 14-30
MENSAHE:
Dalawa ang paraan ng pangangasiwa sa mga hamon sa buhay, maliit man o malaki. Ang una ay ang “matapang na pagharap” dito hanggang ito ay malutas natin. Mahirap gawin, nakakapagod, at minsan, masakit sa dibdib. Kailangan ng sipag, tutok, dedikasyon at, natural, pawis at luha. Subalit sa bandang huli, kapag napagdaanan na, aani tayo ng tagumpay dahil sa ating pagsisikap. Ito ang pananaw na pinupuri ng amo sa ating Mabuting Balita ngayon.
Ang ikalawang paraan naman ay ang “malikhaing pag-iwas” sa problema, iyong paghahanap ng short-cut, ng madaling solusyon. Kaunti ang mapapala natin dito, pero kaakit-akit sa marami dahil kaunti din ang hirap na kaakibat. Ito ang pananaw na hindi nagustuhan ng amo sa Mabuting Balita dahil nakita niyang kulang ito sa paglago at sa pagiging “hinog” sa buhay ng kanyang alipin.
Bakit kailangang mag-short cut pa? Ang daming nasasayang; hindi lumalawak ang ating imahinasyon, hindi nababanat ang ating mga buto. Hindi din natin mapapansin ang ating tunay na halaga bilang mga taong pinagpala at may kakayahan. Sa huli, kapag panay short-cut lang, paano natin malalasap ang matimyas na tamis ng tagumpay?
MAGNILAY:
Anong mga hamon, alalahanin, o suliranin ang kinakaharap mo ngayon? Dama mo ba ang lakas mo na pangatawanan ito? O pakiramdam mo ba kulang, takot at wala kang pag-asa? Ipinapaalala ng Panginoon sa iyo ngayon ang lakas at tapang na ipinunla niya sa puso mo upang harapin ang anumang pagsubok na may pananampalataya at pagpupunyagi. Taglay ang tiwala sa Diyos at sarili, walang balakid na hindi malalampasan balang araw. Maniwala ka!
ourparishpriest 2023