Home » Blog » DAKILANG KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI A

DAKILANG KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI A

KAKAMPI KA BA NG HARI?

MT 25: 31-46

MENSAHE:

May ilang grupong Kristiyano na madalas magtanong: “Naligtas ka na ba?” “Tinanggap mo na ba si Hesus bilang Panginoon at Tagapagligtas?” “Nabautismuhan ka na ba sa Espiritu Santo?” Itong mga tanong na ito ang itinuturing nilang batayan ng kaligtasan. Subalit nasaan ba iyan sa Mabuting Balita? Malinaw na hindi iyan lumutang doon! Sa halip, heto ang Panginoong Hesukristo na nagbubukas ng pinto ng langit sa mga taong dumamay sa paghihirap ng mga nagugutom, nauuhaw, banyaga, nasa piitan, at sinasabi niya sa kanila: “Halikayo at pumasok sa Kaharian.” Hindi nagtanong ang Panginoong Hesukristo ng: “Tinanggap mo na ba ako bilang Panginoon at Tagapagligtas mo?” At lalong hindi niya ginawa itong pamantayan ng pagpasok sa kaluwalhatian ng langit. Malinaw sa kanya na hindi mas mahalaga ang mga salita, damdamin, emosyon, at maging mga kakaibang karanasang espirituwal para makapasok sa langit. Ang batayan sa langit ay ang mga kilos ng pagmamahal at awa ng isang tao na bunga ng pananampalataya nito. Nang magsimula ang misyon ni Sta. Mother Teresa sa India, umalma ang mga paring Hindu at nais silang patigilin. Pumasok ang hepe ng pulis sa bahay kung saan buong paggalang at paglingap na inaalagaan ni Mother Teresa ang mga maysakit, mamamatay, at itinapon ng lipunan. Nang lumabas siya, sinabi niya sa mga nagpo-protesta sa kalsada: “Kung kaya ninyong dalhin ang mga asawa at kapatid ninyo para mag-alaga tulad ng ginagawa nila sa mga mahihirap at mahihina, patatalsikin ko sila. Pero kung hindi, mas mabuting huwag ninyo silang pakialaman.”

MAGNILAY:

Ang pananampalataya ay lubhang mahalagang sangkap ng kaligtasan, at ito ay nagsisimula sa puso. Subalit kung mananatiling itong nakakulong sa puso, magiging panis ito at bulok kalaunan. Ang pananampalataya mo ba ay dumadaloy mula puso hanggang mga kilos ng pagmamahal, pagpapatawad, at paglilingkod sa iba? Nabibiyayaan ba nito ang sarili mo lamang o kumakalat ba itong parang mabangong halimuyak sa paligid sa pamamagitan ng iyong gawang kabutihan at pagtulong sa kapwa? Kung ang pananampalataya mo ay aktibong nakakatulong sa iyong kapwa, si Kristo nga ang Hari mo, at bahagi ka na ngayon pa man ng kanyang Kaharian.

ourparishpriest 2023