Home » Blog » UNANG LINGGO NG ADBIYENTO B

UNANG LINGGO NG ADBIYENTO B

MAINIT NA PAGTANGGAP

MK 13: 33-37

MENSAHE

Naaalala ko ang aking ina na napakabuting tumanggap ng mga bisita sa aming tahanan, maging iyong mga dumadalaw nang biglaan. Agad siyang nagpapa-meryenda, at masiglang nakikipag-kuwentuhan o nakikinig sa kanilang mga problema. Sa panahon naman natin, kung saan madalas tayong abala, kayhirap tumanggap ng mga bisita lalo na iyong walang pasabi. Tila ba nanghihimasok sila sa ating pansariling buhay, nakakasira ng ating plano, at nakakagugulo sa ating gawain. Mahirap ding mag-estima, magpakain at kumupkop ng bisita ngayon. Subalit, ang Adbiyento ay isang paalala ng kahalagahan ng pagdalaw, ng pagdalaw na hindi inaasahan.

“Mag-ingat… maging handa… magbantay!” Bakit? Dahil dumarating ang Panginoong Hesukristo na walang pasabi, na hindi inaasahan, at kahit na hindi inaanyayahan. Dumarating siya sa katauhan ng mga taong hindi natin inaakala at minsan pa nga ay nais nating iwasan. Dumarating siya sa mga pangyayaring hindi man lang dumapo sa ating isip, sa mga lugar at panahong hindi akma sa ating mga balak sa buhay. At lalo na, dumadalaw siya kung tayo ay hindi handa, dahil sa pagka-abala, sa karamdaman, sa kapaguran, o sa pag-aasikaso ng maraming bagay. Ang Mabuting Balita ay paalalang para makasalamuha natin ang Panginoong Hesus sa mga panahong ito ng paghahanda, kagalakan at pag-asa, kailangang maging matalas ang ating pakiramdam sa kanyang presensya, na kalimitan ay hindi nagaganap sa paraang karaniwan na nating hinihintay.

MAGNILAY

Sa mga kaganapan sa buhay mo ngayon, lalo na kung may karamdaman, kalituhan o paghihirap, dumarating ang Panginoon upang dalawin ka bilang kaibigan. Maging bukas sa kanyang presensya sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa maliliit na biyaya, sa kabutihang ipinakikita ng iba, at sa banayad na aliw na dulot ng panalangin at paglilingkod.

“Habang papalapit ang Pasko, ang kaarawan ni Hesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ipanalangin natin ang kapayapaan sa mga lugar na may digmaan, at sikapin nating maging kasangkapan ng kapayapaan sa ating mga tahanan at pamayanan.”