IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO B
ANG DAKILANG “ABAY”
MK 1: 1-8
MENSAHE
Bakit inaalala natin si Juan Bautista tuwing Adbiyento? Bakit ipinagdiriwang pa natin ang kaarawan niya taun-taon sa liturhiya? Bakit may masayang tradisyon ng pagbabasaan ng tubig sa kanyang karangalan sa ating bansa? Si Juan Bautista ay hindi nagkaroon ng pagkakataong makahalubilo nang matagal ang ating Panginoong Hesukristo, at hindi din siya nagawaran ng karangalang maging “apostol” o “tagapagtatag” ng simbahan sa malalayong lugar. Subalit napakalaki ng gampanin niya sa ating pananampalataya. Tinawag siya ng Panginoon na “abay” (best man) o “kaibigan” ng lalaking ikakasal, na walang iba kundi si Hesus mismo (Jn 3:29) at pinuri siya bilang pinakadakilang propeta at higit sa lahat ng taong isinilang sa mundo (Mt 11:11).
Naging tungkulin kasi ni Juan na ihanda ang landas ng Panginoon. Nangaral siya ng pagsisisi upang magbukas ng puso ang mga tao sa pagdating ni Hesus. Itinuro niya si Hesus bilang “Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan” at bininyagan niya si Hesus sa Jordan bilang pasimula ng misyon nito. Buong kababaang isinaisang-tabi niya ang sarili nang sumisikat na ang Panginoon. Kung tutuusin, nagsilbi siyang liwanag na nagdadala ng aliw at lugod sa mga tao. Hinikayat niya ang nawalan na ng pag-asa kung darating pa ba ang Mesiyas, inilawan niya ang nasa dilim upang makatagpo ng liwanag at kalayaan, at nagdulot siya ng linaw sa naguguluhan ang isip. Nagbigay aliw, lugod at panghihikayat si Juan sa puso ng marami.
Hindi ba tinatawag din tayong maging tulad ni Juan na maghahasik ng binhi ng kapayapaan, kagalakan, pagkakasundo at pag-asa sa mundo ngayon? Kaydami nang nalulunod sa takot, depresyon, awa sa sarili, at dalamhati dahil sa mga giyera ng mga bansa, pagkakahati-hati ng dating magkakaibigan, away sa pamilya, maling paniniwala at wasak na pag-asa. Sa panahong ito ng paghihintay, kailangan ng maraming tao na makikilakbay sa kanilang kapwa, upang madama nilang mahal at mahalaga pa rin sila sa Diyos.
MAGNILAY
Habang nag-iisip at nagbabalak tayo ng mga regalo, baka mas higit na regalong maibibigay natin ang kaloob na aliw at lugod tulad ng ginawa ni Juan. Kaya mo bang maging “abay” ng ikakasal – kaibigan sa taong maysakit, may suliranin, o malungkot, nalilito, at pinanghihinaan ng loob? Kailangan lang ay isang ngiti, simpleng tawag o mensahe sa telepono, isang salita ng pagpapatawad, isang mahigpit na yakap, o isang sandali ng pakikipaglakbay sa kapwa. Tunay na magiging makabuluhan ang Pasko kung ganito tayo.
“Habang papalapit ang Pasko, ang kaarawan ni Hesus, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ipanalangin natin ang kapayapaan sa mga lugar na may digmaan, at sikapin nating maging kasangkapan ng kapayapaan sa ating mga tahanan at pamayanan.”
LET US PRAY FOR PEACE IN MARAWI AND IN THE ENTIRE PHILIPPINES!