Home » Blog » IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO B

IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO B

SABIK KAY HESUS

JN 1: 6-8, 19-28

MENSAHE

Nais kong isiping pabirong nakikipag-usap si Juan Bautista sa mga Pariseong nagtatanong: “Ikaw ba ang Kristo? O si Elias? O ang Propeta?” Tila ganito ang sagot niya: “Hindi, subukan pa ninyo… Hindi, mag-isip pa kayo… Hindi, sirit na ba?” Habang itinatanggi niya ang mga akala nila, tunay naman siyang nagsasabi ng katotohanan. Isinisigaw niya: “Ako ang tinig; subalit paparating na ang Salita.” Patuloy niya: “Ako ang tagapagbinyag ng pagsisisi; at malapit na ang binyag sa buhay na walang hanggan.” At panghuli, isinasaad niya: “Ako ang lingkod na hindi karapat-dapat; at nasa gitna ninyo ang Isang higit na dakila sa lahat!” Tunay na gawain ni Juan ang maghanda ng landas ng Panginoon, at masaya siya at sabik na gawin ang misyong iniatang sa kanya.

Sabik si Juan sa pagdating ni Hesus, kahit hindi pa man niya ito nakakatagpo! Bilang mga Katoliko, nakatagpo na natin ang Panginoon. Ang Panginoong Hesukristo ay kasama na natin maraming beses sa mga sakramento, sa Bibliya, sa panalangin at pagsamba, sa mga debosyon at sa buhay ng simbahan. Subalit gaano tayo kasabik na makasalamuha at makapiling siya? Nakakalungkot kapag ang mga Kristiyano ay itinuturing si Hesus bilang isang lumang ala-ala, isang kaisipan lamang, o isang malayong Diyos na walang pakialam sa atin. Makatutulong siguro na mabawi natin ang katotohan ng Panginoong Hesukristo sa tulong ng karanasan ni Juan Bautista – ang Diyos na dumarating upang makipag-ugnayan sa atin, magligtas at magmahal sa atin, tumanggap sa atin anuman at sinuman tayo! Mapuno nawa tayo ng nakahahawang diwa ng simple at mapagtiwalang pananampalataya ni Juan Bautista na laging sabik makatagpo ang Panginoon!

MENSAHE

Ano ang kinasasabikan mo ngayong darating na Pasko? Mga party, regalo, bisita, at reunion? Silipin ang puso at nang makita kung may tunay na pagnanasa bang maging mas malapit sa Panginoon, na ibukas ang puso sa kanya, at ialay ang buhay sa kanya. Kung sabik tayo sa kanyang pagdating, gaano na kaya ang kanyang pagkasabik na ibahagi ang kanyang pag-ibig sa atin?

“Lord Jesus Christ, Prince of Peace, come and grant our world peace!” Please continue to pray for peace in the world as Christmas approaches. LET US PRAY FOR PEACE IN MARAWI AND IN THE ENTIRE PHILIPPINES!

ourparishpriest 2023