IKA-APAT NA LINGGO NG ADBIYENTO B
ANG MISYON NI MARIA
LK 1: 26-38
MENSAHE
Matapos makinig sa isang pari, nagpasya akong gawin ang “Consecration to Jesus through Mary.” Ang consecration ay naganap matapos ang 33 araw na ini-rekomenda ni San Luis de Monfort, na nagsabing ito ang pinakatiyak na landas tungo sa kabanalan. Habang ang ibang Kristiyano ay naguguluhan sa ating Katolikong debosyon kay Maria, alam naman nating ang debosyong ito ay nakasentro kay Kristo, at ang Mahal na Birhen ay suporta at tulong sa atin sa pagsunod sa kanyang Anak. Habang papalapit ang Pasko, nakatuon ang ebanghelyo sa tagpo ng pagbabalita ng Arkanghel Gabriel kay Maria. At dito malinaw nating makikita ang misyon ni Maria. Ano nga ba ang misyong ito?
Una, ang misyon na maging Ina ng Diyos. Sa Mabuting Balita, nakikita nating si Maria ay tunay na pinili, pinagpala, kinalugdan, sabi nga “puno ng grasya,” upang maging Ina ng ating Tagapagligtas, ang Bugtong na Anak ng Diyos. Kaya nga, si Maria ay hindi Ina ng karaniwang sanggol kundi Ina ng Diyos Anak, ang ating Panginoong Hesukristo.
Ikalawa, ang misyong maging Huwaran natin sa Pananampalataya. Sa simula, ang reaksyon ni Maria ay takot at kalituhan, dahil mahirap nga unawain na ang birhen ay magsisilang. Subalit nagtiwala siya sa salita ng anghel at buong pusong isinuko ang sarili sa kalooban ng Ama. Ang sarili nating pananampalataya ay dapat maging tulad nito, puno ng matatag na tiwala at pagpapaubaya sa Diyos, pagtanggap sa kanyang kalooban maging sa ating kasalukuyan o sa hinaharap.
Ikatlo, ang misyong maging Ina natin sa Pananampalataya. Sa pamamagitan ng Espiritu Santo, si Maria ay piniling maging gabay natin sa Panginoon. Kapag hinayaan natin siyang maging Ina din natin, aarugain niya tayo bilang mga anak at aakayin patungo sa ating Kuya na si Hesus. Totoo ang kasabihan na hindi mo matatanggap si Hesus bilang kapatid kung hindi mo tatanggapin si Maria bilang Ina sa pananampalataya.
MAGNILAY
Ano pa ba ang hihigit na paghahanda ng puso sa Pasko kundi ang makilakbay sa babaeng pinagpala upang unang marinig ang dakilang misteryong ito? Maglaan ng panahon na magdasal ng Rosaryo at pagnilayan kung paano ka maaaring tulungan ng Mahal na Birhen sa paglago sa pananampalataya at sa pag-usad sa paglalakbay tungo kay Kristo.
ourparishpriest 2023
(patuloy tayong manalangin para sa kapayapaan at sa pagtigil ng mga digmaan)