BAGONG TAON 2024/ KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS
MAHAL NA INA…
LK 2: 16-21
MENSAHE
Sa unang pagkakataon matapos ang matagal na panahon, dumalo ako ng panggabing nobena at Benediksyon sa ating Ina ng Laging Saklolo sa Baclaran. Pinagbigyan ko lang talaga ng kaibigan kong nagpunta doon upang magdasal. Kahit huling iskedyul na ng araw na iyon, puno ng mga matatapat at sari-saring deboto ang simbahan. Nang magsimula ang pagdiriwang, namayani ang katahimikan sa kabila ng napakaraming tao, at lahat ay aktibo sa awit, dasal, katahimikan at kahilingan.
Nang titigan ko ang larawan ng Ina ng Laging Saklolo, nadama ko ang init ng kanyang presensya sa aking buhay, ang patuloy niyang pag-aalay sa mundo ng kanyang Anak na si Hesus. Sa bagong taong ito, napaisip ako: Bakit nga ba kay Maria ipinagkakatiwala ng simbahan ang unang araw ng bawat kalendaryo? Sa Mabuting Balita nabunyag na ang Diyos ay naging tao sa pamamagitan ng mababang-loob na Birheng ito. Hindi lamang niya dinala si Hesus sa kanyang sinapupunan kundi sa mundong naghihintay ng kapayapaan at kagalakan ng Diyos. Natuklasan ng mga pastol ang Banal na Sanggol na yakap ni Maria at Jose. Si Maria, matapos ang pagninilay at pagbubuli-buli, ang una din nakaunawa ng himala ng Diyos na nakipamayan sa atin sa kanyang Pagkakatawang-tao.
Sa panahon na naghahagilap tayo ng kapayapaan ng isip at puso, ng pamilya at pamayanan, ng mga lugar at bansang nasa gitna ng digmaan at kaguluhan, buong-pusong naghahandog si Maria ng kanyang Anak, ang Prinsipe ng Kapayapaan, sa ating lahat. Ang mga Katoliko ay may matimyas na pagmamahal kay Maria tulad ng tunay nilang Ina. At nakakagulat na maging sa ibang pananampalataya buhay din ang pagmamahal sa kanya, tulad ng Muslim na pamilyang nakita kong dumalaw din sa simbahan ng Baclaran noong gabing iyon.
MAGNILAY
Sumuong sa bagong taon sa pamamagitan ng pagkapit sa babaeng pinakamalapit sa puso ng ating Panginoon. Huwag mag-atubili na hingin ang maka-inang gabay at aruga ni Maria. Siya ang ating Ina sa pananampalataya, at sa tulong niya, nariyan ang pinakamabilis, pinakamadali, at pinakamabisang landas tungo sa puso ng ating Panginoong Hesukristo.