IKALIMANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
PERO, INAY, WALA NAMANG NANGYAYARI!
MK. 1: 29-39
MENSAHE
Sa pasimula ng Mabuting Balita ni San Marcos, agad nangaral ang Panginoong Hesukristo at nagpadama ng pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng mga himala. Hindi lamang karamdamang pisikal kundi maging karamdaman ng espiritu at isip ang kanyang pinawi. Mula sa panahon ni Hesus hanggang sa mga apostol, mga martir, mga santo at maging sa atin ngayon, tayong nananalig sa kanya ay patuloy na nagsasalaysay ng kanyang kapangyarihang magligtas. Ang kaligtasang dulot niya ay higit pa sa pagpuksa ng kasalanan at sumasaklaw pa sa kaligtasan mula sa pisikal at espirituwal nating kapansanan o kakulangan.
Habang maramin ang nagpapatotoo sa pagpapagaling ng Panginoon kapag sila’y nagdarasal, meron din naman sa gitna ng panalangin ay napapasigaw na lamang: “Panginoon, bakit tila walang nangyayari sa akin?” Nakakagulat ito sa mga nananampalataya at nakahahamon naman sa mga taong pilit na nagtitiwala sa Diyos. Isang ina ang umiiyak na naisaad ang ganitong tanong ng kanyang anak na maysakit, tanong na hindi niya masagot maging sa anak o sa kanyang sarili.
Paano ba uunawin ang pagpapagaling o healing? Ang healing ay hindi magic; hindi biglaang ginhawa. Ang panalangin ng pagpapagaling ay tanda ng tiwala. Tiwalang alam ng Panginoon ang ating paghihirap at nadidinig niya ang ating hinaing. Tiwala na nais niyang ibsan ang anumang sumasakit sa atin. Subalit, tiwala din ito na gagawin niya lahat sa kanyang sariling panahon, sa kanyang sariling paraan, at ayon sa kanyang mas malawak na plano ng kaligtasan. Ang paghihintay sa healing ay nagtuturo sa atin ng pasensya at pagsusumikap, nagbubunyag ng kalooban ng Diyos, na maaaring kaiba sa atin. Ang paghihintay ng healing ay ganap na pagsuko sa anumang pinakamabuti ayon sa kaisipan ng Panginoon.
MAGNILAY
Nanalangin ka bang gumaling at natamo mo ang inaasam mo? Walang humpay na magpasalamat sa Panginoong Hesus! Nagdasal ka ba at tila walang nagbabago o nangyayari? Maghintay. Maghintay na may pasenya. Maghintay na may pagsuko. Maghintay na may pag-asa. Hindi ka bibiguin ng Panginoon!