Home » Blog » SAINTS OF FEBRUARY: SANTA AGATA

SAINTS OF FEBRUARY: SANTA AGATA

PEBRERO 5
SANTA AGATA (AGUEDA), DALAGA AT MARTIR
 
A. KUWENTO NG BUHAY
Una nating nakatagpo si Santa Agata sa buhay ni Santa Lucia, sa unang aklat ng talambuhay ng mga banal sa seryeng ito (tingnan ang aklat para sa Adbiyento hanggang Bagong Taon). 
Si Santa Lucia ay nagkaroon ng inspirasyon na ialay ang buong buhay sa Panginoon dahil sa isang pangitain kung saan nakita ni Santa Lucia si Santa Agata habang papunta siya upang mag-debosyon sa kanyang dambana sa Catania, Italy. 
Kaya heto na naman at makikita natin na may kaugnayan ang mga santo sa isa’t-isa.  Kaya nga may kaugnayan din sila sa atin magpa-hanggang ngayon, tulad din na may koneksyon tayo sa isa’t-isa bilang magkakapatid kay Kristo.
Kakaunti ang alam natin tungkol sa aktwal na buhay ni Santa Agata bagamat isa siya sa mga pinaka-bantog na santa sa maagang kasaysayan ng simbahan. Ang pagdakila sa kanya ay napakatagal nang bahagi ng pananampalataya.
Natitiyak na si Santa Agata ay mula sa Sicily, Italy.  Mula daw siya sa isang iginagalang na pamilya. Naging martir siya sa panahon ng Emperador Decius kung saan maraming pag-uusig ang dinanas ng mga Kristiyano.
Dahil ipinangako ni Santa Agata ang kanyang buong buhay sa Panginoon, tinanggihan niya ang panliligaw ng isang senador ng Roma.  Dahil sa galit ng taong ito, nagsimula ang paghihirap ni Santa Agata.  Matapang na hinarap ng santa ang lahat ng pagsubok dahil sa kanyang pangako sa Panginoong Hesukristo.
Dumaan siya sa torture sa pamamagitan ng tinatawag na rack, isang kasangkapan ng pahirap kung saan binabanat ang katawan ng isang tao na nakatali ang kamay at paa. Hinihila mula sa gawi ng mga kamay at hinihila mula din sa gawi ng mga paa para mabanat ang balat at mabali ang mga buto.  Tinapyas ang kanyang mga suso sa dibdib.
Pagkaraan ng ilang araw, pinagulong naman siya sa nagbabagang uling. Ito ang kanyang ikinamatay.  Ayon sa kuwento ng mga nakasaksi, ito ang huli niyang mga salita, isang panalangin sa Panginoong Hesukristo: “Tanggapin mo po ang aking kaluluwa.”  Namatay siya sa taong 250 (o 251 sa ibang source).
Ang kanyang bayan, ang Catania, ay pinaniniwalaang naligtas sa pagsabog ng bulkang Etna dahil sa kanyang panalangin. Dahil dito si Santa Agnes ay naging patron saint laban sa paglaganap ng sunog.
Ang pangalang Agata ay galing sa salita na ang kahulugan ay “mabuti”. Talaga namang mabuti si Santa Agata dahil isinabuhay niya ang pagiging anak ng Diyos. isa siyang mabuting handog ng Diyos sa kanyang Anak na si Hesus na pinakamamahal ng kanyang puso, at sa ating lahat na ngayon ay humahanga sa kanyang kagitingan.  Ang pagiging mabuti niya ay lalong nagtuturo sa atin sa tunay na mabuti sa lahat – ang tanging mabuti, ang Diyos natin
B. HAMON SA BUHAY
Napakagandang isipin na noon pa mang unang mga taon ng simbahan ay may mga tao na handang mag-alay ng sarili nila na buong-buo at walang pag-iimbot sa Panginoon.  handa rin ba tayong mag-alay ng sarili sa Panginoon? ipagdasal din natin na maraming mga kabataan ang magnais na ihandog ang buong buhay sa Panginoon sa pamamagitan ng bokasyon ng pagiging pari, madre, relihyoso at misyonero.
 
 (mula sa aklat na “Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)