SPIRITUAL NEW YEAR’S RESOLUTION: PAANO GAGAWIN
Ang kahalagahan ng “Resolution” (Pagpapasya)
Mahalaga sa buhay natin ang tinatawag na “resolution” kasi mahina at marupok ang ating sarili at madali tayong makalimot sa magagandang plano natin para sa kinabukasan man o sa kasalukuyan. Hinihila ng katawan pababa ang kaluluwa hanggang bumagsak sa lupa, maliban na lamang kung pilit na umaangat ang kaluluwa natin sa pamamagitan ng ating mga resolution. Parang ibon iyan na kung tatamaring ikampay ang pakpak, tiyak na mahuhulog sa lupa, kaya dapat patuloy nitong ikampay ang mga pakpak para pumaibabaw sa ere.
Kaya mahalaga na madalas sariwain at ulitin sa ating isip at puso ang ating mga resolution na maglingkod sa Diyos at magmahal nang tama sa sarili at sa kapwa. Ang hirap pa naman bumagsak dahil sa bawat pagbagsak, may lumalalim ang hukay na kinasasadlakan natin.
Ang mga Dapat Isaalang-alang sa Paggawa ng mga Resolution (New Year man o hindi) bilang Kristiyano
Una, isipin mo kung kanino mo ginagawa ito. Hindi lamang sa tao, kundi sa harap ng Diyos mismo ikaw nagpapasya na magpakabuti ng buhay.
Ikalawa, alalahanin na may mga saksi ka sa paggawa ng resolution. Ang buong hukbo ng kalangitan, kasama ang Mahal na Birhen at si San Jose, ang nakakaalam ng ginagawa mong mabuting pasya. Natutuwa sila at nagbubunyi sa bawat pasya natin tungo sa kabanalan, at iniaalay nila ang kanilang mga panalangin para sa atin. Kaya, lakasan ang loob, hindi ka nag-iisa!
Ikatlo, maging mulat na nagagawa mo ang iyong resolution dahil sa paraang ipinagkakaloob ng Diyos. Hindi ba ang Diyos mismo ang humikayat sa iyo? Hindi ba ang Espiritu Santo mismo ang nagbibigay ng lakas ng loob na gawin mo ito sa tulong ng mga sakramento, ng panalangin at ng mga aral sa pagbabasa ng Bibliya at mga spiritual reading?
Ika-apat, isipin ang biyayang kaloob ng Diyos na kalakip ng resolution mo. Kung bata ka pa lamang ay nagagawa mo ito, hindi ba, napakapalad mo dahil maaga kang tinuturuan ng Diyos na mabuhay sa kabutihan? At kung matanda ka na nang magpasya kang magbago, hindi ba magandang biyaya ito at paghahanda tungo sa dulo ng iyong buhay? Ang bait ng Panginoon na bata man o matanda, laging may pagkakataong umusad sa buhay espirituwal.
Paano Gawin ang Spiritual Resolution?
1 Resolution sa Kaugnayan sa Diyos
Matibay mo bang nais tanggihan o talikuran ang kasalanang mortal?
Nais mo bang isabuhay at sundin ang mga Utos ng Diyos?
Naaakit ka bang gumawa ng mga debosyon at pagsasanay espirituwal upang lumakas ang iyong espiritu? Pagbabasa ng Bible at spiritual reading, meditation, dalaw sa adoration chapel, regular na Confession and Communion, self-discipline, at iba pa…
Ang Diyos ba ang sentro ng puso mo? Lagi ka bang nakikipag-usap sa kanya at iniisip siya?
Ang Panginoong Hesukristo ba ang tanging ligaya ng puso mo?
Ang Mahal na Birhen, si San Jose at ang mga santo ba ay nilalapitan mo sa panalangin?
Nakikipag-usap ka ba sa iba tungkol sa Diyos?
Ang kaluwalhatian ba ng Diyos ang pakay ng buhay mo?
Handa ka bang magsakripisyo dahil sa pagmamahal mo sa Panginoon?
2 Resolution sa ating Kaugnayan sa Sarili
Mahal mo ba ang sarili mo? Para saan ka ba? Sa lupa lamang o inihahanda mo ba ang sarili mo para sa langit?
Mahalaga ba sa iyo ang kaluluwa mo nang higit sa katawan mo? Mas mahalaga ba sa iyo ang sasabihin ng tao o ang sasabihin ng mga anghel tungkol sa iyo?
Sinusulsulan mo ba ang mga nasa ng iyong katawan at kahinaan o tinutulungan mo ba ang sarili na malampasan ang mga ito?
Nagpapakababa ka ba sa harap ng Diyos o akala mo mahalaga ka at mataas na tao?
Nagmamalaki ka ba sa sarili mo o pinupuri mo ba ang sarili mo lagi?
Pinababayaan mo ba ang kalusugan mo sa bisyo, pagpupuyat, o pag-aaksaya ng panahon sa layaw?
3 Resolution sa ating Kaugnayan sa Kapwa
Mahal mo ba ang kapwa nang buong puso at alang-alang sa Diyos?
Paano ka nakikipag-ugnayan sa mga taong mahirap unawain o mahalin? O sa mga kaaway mo o nakasakit sa iyo?
Nagsasalita ka ba ng masama sa kapwa? May nagagawa ka bang nakakasakit ng iba?
reference: Introduction to the Devout Life, St. Francis de Sales