UNANG LINGGO NG KUWARESMA B
KILALA MO BA ANG KASAMA MONG ITO?
MK 1: 12-15
MENSAHE
Napansin ninyo din ba na sa Mabuting Balita ipinakikitang may maaasahang Kasama ang Panginoong Hesukristo sa disyerto? Hindi si Satanas na walang habas na tumukso sa kanya. Hindi ang mga mababangis na hayop sa ilang at hindi din ang mga anghel na ipinadala upang paglingkuran siya habang nag-aayuno at nananalangin. Sa loob ng apatnapung araw, ang Kasama ng Panginoon ay ang Espiritu Santo. Ang Espiritu ang nagpatibay, umaliw, at nagpalakas kay Hesus sa gitna ng mga pagsubok. Sa buhay niya, laging naroon ang Espiritu Santo sa mga mahahalagang yugto ng buhay ni Hesus: sa paglilihi sa kanya ng Birheng Maria, sa pagbibinyag ni Juan Bautista, at maging sa kanyang Pagkabuhay (“muling binuhay sa Espiritu”) at sa pagpanaog sa impiyerno (“Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo,” balikan ang ikalawang pagbasa, 1 Pedro 3). Sa katunayan, walang sandali na iniwan si Hesus ng presensya ng Espiritu Santo.
Sa ating pagsabak sa isa na namang Kuwaresma, taglay natin ang pagnanasang magsisi at magbago, ang pangakong magbabalik-loob, at ang dedikasyong magdebosyon at maglingkod. Subalit hindi kaya mas magandang una sa lahat, bumaling tayo sa Diyos Espiritu Santo? Tulad ni Hesus, hindi kaya mas mainam na ibukas natin ang ating sarili sa Kalakbay na tutulong sa atin sa gitna ng ating laban sa mga tukso at magpapatindi ng ating pagsisikap tungo sa kabanalan sa apatnapung araw ng ito at sa ibayo pa?
MAGNILAY
Simulan natin ang Kuwaresmang ito sa panalangin: Halina, Espiritu Santo, at akayin mo ako sa ilang kung saan matutuklasan ko muli ang malalim na pakikipag-ugnayan sa Diyos Ama, sa kanyang Anak na si Hesus, at sa iyo. Kapiling ka sa aking puso, maganap nawa sa akin ang tunay at mananatiling pagbabago, paghilom, pagpapanariwa, at Kalayaan mula sa kasalanan at sa lahat ng nag-uudyok sa aking lumayo sa aking Panginoon at Diyos. Amen.