Home » Blog » PAG-ASA SA KUWARESMA 1: SANTONG LULONG SA DROGA

PAG-ASA SA KUWARESMA 1: SANTONG LULONG SA DROGA

San Marcos (Mark) Ji TianXiang: Santong Nalulong sa Droga

ANG KANYANG BUHAY

Noong Oktubre 1, 2000, ipinagdiwang ni Pope St. John Paul II sa Roma ang canonization ng 120 mga santo ng bansang China. Sila ay mga martir na nagbuwis ng buhay para sa pananampalatayang Katoliko sa pagitan ng 1648 at 1930. 87 sa kanila ay mga binyagang Chinese, 33 naman ang mga misyonero mula sa ibang bansa at bahagi ng religious orders o congregations ng mga Dominicans, Franciscans, Salesians, Heswita, at Franciscan Missionaries of Mary. 86 sa kanila ang pinatay noong tinatawag na Boxer Rebellion sa China noong 1900. May mga bata o kabataan at mga matatanda sa hanay ng mga santong ito.

Subalit isang santo ang kahanga-hanga ang kasaysayan ng buhay. Ito ay si San Marcos (Mark) Ji Tianxiang. Isinilang noong 1834, sa probinsya na ngayon ay bahagi ng Hebei, China, namuhay si San Marcos bilang isang mabuting Katoliko. Naging isa siyang doctor na matiyaga at mapagmahal na gumamot sa mga tao. Nang siya mismo ay dapuan ng sakit, napilitan siyang gumamit ng “opium” dahil sa pag-aakalang makakatulong ito sa paggaling niya. Sa halip, naging hayok siya dito at tuluyang naging isang addict.

Kahit patuloy siyang nagsisimba, nagdadasal at nagkukumpisal, ang pari noong panahong iyon ay hindi siya binibigyan ng “absolution” (o pagpapatawad) at pinagbawalan pa siyang tumanggap ng Banal na Komunyon. Sa loob ng 30 taon, tiniis ni San Marcos na mahiwalay sa pagtanggap ng Banal na Katawan ni Kristo. Tiyak na noon ay hindi lubusang naunawaan ng pari ang kalagayan ni San Marcos. Totoong isang kasalanan at iskandalo ang maging isang drug addict, subalit ngayon alam na nating ang pagiging addict ay isa ding karamdaman ng isip at katawan. Hindi na gagawin ngayon ng isang pari na pagbawalang mag-Komunyon o kaya ay pagkaitan ng pagpapatawad ang isang addict na lumalapit sa mga sakramento.

Patuloy na nagdasal si San Marcos na lumaya sa kanyang pagkahayok sa droga kahit na tila walang nangayayri. Matapos ang 30 taon, gumaling na siya at nakatanggap din ng mga sakramento. Sa panahon ng paghihintay, patuloy siyang naging matapat na Katoliko at mabuting kapwa lalo na sa mga maysakit na lumalapit sa kanya.

Taong 1900 nang dumating ang matinding pag-uusig sa mga Kristiyano sa China. Nang dumating ang mga tinatawag na “Boxers” sa kanilang nayon, kasama si San Marcos na dinakip at pinilit na tumalikod sa pananampalataya. Tumanggi siya at nakiusap na kung siya ay papatayin, siya ang maging huli sa kanyang pamilya upang isa-isa niyang suportahan at palakasin ang loob ng kanyang mga kamag-anak. Pinugutan ng ulo si San Marcos dahil sa kanyang pananampalataya kay Kristo at sa simbahang Katoliko.

ANG KANYANG ARAL

Napakaganda ng aral na makikita natin sa buhay ni San Marcos. Ang imposible sa tao ay hindi imposible sa Diyos. Lahat ay may pagkakataon na mabuhay at mamatay na banal sa kanyang harapan, kahit pa ang mga dating lulong sa droga o anumang uri ng adiksyon sa kanilang buhay. Makikita din sa kanya ang himala ng awa ng Diyos. Dito kumapit si San Marcos. Sa gitna ng kanyang pakikipagbuno sa adiksyon, hindi siya nawalan ng pananampalataya na balang araw, gagawa ang Diyos ng paraan upang palayain siya, linisin siya at ilapit siya sa kanyang sarili. Sa kanyang pagsisikap, naging kalakbay ni San Marcos si Hesus na Nakapako sa Krus na nagdulot sa kanya ng tiwala at pag-asa.

Huwag mawalan ng pag-asa na hindi pa tapos ang Diyos sa iyo. May pag-asa lagi sa taong kumakapit sa Panginoon. Walang makapaghihiwalay sa atin sa dakilang pag-ibig ni Kristo (Rom 8: 38-39).

PANALANGIN PARA SA NALULULONG SA IPINAGBABAWAL NA GAMOT

Diyos ng habag, pinupuri ka namin sa ngalan ng iyong Anak na si Hesukristo na lumingap sa lahat ng mga lumapit sa kanya. Pagkalooban mo po ng lakas ang iyong mga lingkod na nalululong sa bawal na gamot, balutin mo po sila sa iyong pagmamahal, at ibalik sa kalayaan ng mga anak ng Diyos. Panginoon, maawain mong masdan ang lahat ng nawalan ng kalusugan, katinuan, at kalayaan. Ibalik mo po sa kanila ang tiwala sa iyong walang hanggang awa, palakasin sila habang sila’y nagpapagaling, at tulungan silang tumanggi sa mga tukso. Sa mga nagmamahal at nag-aalaga sa kanila, Panginoon, ipagkaloob mo po ang pang-unawa at matiyagang pagmamahal. Hiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

2/8/24