Home » Blog » PAG-ASA SA KUWARESMA 4: MGA SANTONG MAHILIG SA TAGAY!

PAG-ASA SA KUWARESMA 4: MGA SANTONG MAHILIG SA TAGAY!

Venerable Matt Talbot at San Agustin Yi Kwang-hon

ANG KANILANG BUHAY

Ang isang tinatawag na “venerable” ay isang tao na nakahanay na sa mga kandidato sa pagiging santo ng simbahan. SI Matt Talbot ay mula sa Ireland (1856-1925) at likas na maraming mga alcoholic na sa kanyang pamilya. Kaya 15 taon din siyang naalipin ng “bote,” at ng “ma-boteng usapan.” Isang biyaya ang naganap sa kanyang buhay na nakagawa siya ng tapat na pangako sa Diyos na iiwan na ang bisyo ng pag-iinom ng alak at dahil sa panatang ito, hindi na siya muli tumikim kahit na isang lagok ng alak.

Subalit hindi nangahulugan ito na ligtas siya sa mga tukso, dahil buong buhay siyang nakipagbuno laban sa tukso ng alak. Sinasabing hindi siya nagdadala ng pera sa bulsa upang huwag matukso na bumili ng alak sa mga tindahan. Sa halip na inom, ginugol ni Matt ang kanyang buhay sa pagiging mabuting manggagawa, at sa masidhing panalangin at sakripisyo. Nasabi niya minsan na huwag daw nating husgahan masyado ang mga lango sa alak dahil napakahirap umiwas sa bisyong ito; pero sa tulong ng Diyos, kung buong-pusong aasa sa biyaya, lahat ay posibleng mangyari.

Si San Agustin Yi Kwang-hon naman ay isang Koreano (1787-1839) na nagsimula bilang isang pagano. Napariwara din ang kanyang buhay lalo na sa direksyon ng sobrang pag-inom at paglalasing. Napangasawa niya si Santa Barbara Kwon Hui subalit hindi ito nakatulong upang maawat siya sa bisyo. Minsan nang makapakinig siya ng Mabuting Balita ng Panginoong Hesukristo, nabuksan ang kanyang mata at puso sa maling landas na tinatahak niya. Nagkaroon ng himala ng pagbabago at pagpapasya na tuluyan nang iwan ang buhay ng isang lasing at manginginom. Naging isang katekista si Agustin’ tinulungan niya ang mga kapwa-Kristiyano na pinag-uusig. Naging mga martir ang mag-asawang ito, kasama pa ang kanilang anak na si Santa Agata Yi at ang kapatid ni San Agustin na si San Juan Bautista Yi Kwang-ryol.

ANG KANILANG ARAL

Mahirap talikdan ang pagiging addict sa pag-inom lalo na ngayong napakadaling bumili ng alak at iba pang nakalalasing na inumin at malaking impluwensya ang mga barkada o masasamang kaibigan. Ang iba ay nalululong din dahil sa kalungkutan, problema, o depression. Subalit kung tapat sa panalangin at panata, darating ang panahon na pakikilusin ng Diyos ang biyaya sa ating buhay upang huwag nang maging alipin ng bote… at ng anumang addiction.

PANALANGIN PARA SA MGA ALCOHOLIC

Diyos ng habag, pinupuri ka namin sa ngalan ng iyong Anak na si Hesukristo na lumingap sa lahat ng mga lumapit sa kanya. Pagkalooban mo po ng lakas ang iyong mga lingkod na alipin ng alak, balutin mo po sila sa iyong pagmamahal, at ibalik sa kalayaan ng mga anak ng Diyos. Pawiin mo po ang kanilang kalungkutan at pagkasiphayo. Panginoon, maawain mong masdan ang lahat ng nawalan ng kalusugan, katinuan, at kalayaan. Ibalik mo po sa kanila ang tiwala sa iyong walang hanggang awa, palakasin sila habang sila’y nagpapagaling, at tulungan silang tumanggi sa mga tukso. Sa mga nagmamahal at nag-aalaga sa kanila, Panginoon, ipagkaloob mo po ang pang-unawa at matiyagang pagmamahal. Hiling namin ito sa ngalan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

3/10/24