Home » Blog » IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY B

IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY B

TAMA NA ANG PASIKAT!

JN 10: 11-18

MENSAHE

Sa paglago ng social media, dumami din ang mga sikat at hinahangaang mga pari. Nariyang may singing priest, may dancing priest, may Tiktok priest, may exorcist priest, may ma-dramang preacher priest, may mukhang holy Youtube priest – sa madaling sabi, mga celebrity priests! Sa Mabuting Balita ngayon, nabantad tayo sa kahulugan ng pagkapari para kay Hesus, ang nais niyang kahulugan din para sa kanyang mga alagad – na sila ay dapat lamang na “maging mabubuting pastol”. Kailangan ng mga tao ng pagtuturo, pero hindi lang sa salita kundi pati halimbawa. Gusto nila ng magaling na pangangaral, pero higit pa dito, ng presensya din at personal na pagkalinga. Walang masamang magpatawa, magpakwela, pero dapat ding dumalaw, makiramay, at makisalamuha sa mga tao. Nalilibang ang mga tao sa kantahan, sayawan, at biruan, subalit higit nilang pinahahalagahan kung ang mga pastol nila ay kasama nila sa pagtuturo, sa panalangin at pagsamba, sa pagbubuo ng matibay at matatag na pamayanan ng pananampalataya. Ang “celebrity,” ayon sa isang writer ay “social power without closeness,” impluwensya at kapangyarihan pero kulang sa tunay na presensya at pagiging malapit sa kapwa, at ayaw natin ng mga pastol na ganyan!

Matapos ang pandemya, maraming mga Katoliko ang nabuksan ang puso sa paghahanap sa Diyos at naghihintay ng mabuting paggabay. Pero paano kung sapat na sa mga pari ang manatili sa kumbento, magpakwela sa social media, o maglingkod lamang kung may kapalit na bayad? Si Hesus ang siyang Mabuting Pastol nating lahat. Kung hindi siya masasalamin sa buhay ng mga pastol ng simbahan, maraming ibang pastol, pastor, ministro ang nag-aabang sa kawan. Ito ang isang dahilan kung bakit nasasaksihan nating nag-aalisan ang mga kabataan, mga propesyunal, mga pamilya at napupunta sa mga hindi Katolikong pamayanan na may alab ng pagsamba, personal na suporta, at kalingang nadarama. Mahalagang ipagdasal ngayong panahon ng Pagkabuhay ang ating mga pari, ang mga pastol, at lalong mahalaga ding paalalahanan silang nais natin silang maging tulad ni Hesus na Mabuting Pastol, at hindi mga celebrities!

MAGNILAY

Maglaan tayo ng maikling panalangin para sa ating mga pari: Panginoon, pagkalooban mo po kami ng mga paring tunay na aakay sa amin; iyong maglalakad sa unahan namin, sa tabi namin, sa likuran namin. Ibigay mo po sa amin ang mga pastol, hindi mga aktor. Taglayin nawa nila ang puso ng Mabuting Pastol, na handang magsakripisyo ng buhay, kaginhawahan at karangyaan para sa kanilang kawan. Amen.