Home » Blog » IKALIMANG LINGGO NG PAGKABUHAY B

IKALIMANG LINGGO NG PAGKABUHAY B

ANG KRISTIYANO, BOW!

JN 5: 1-8

MENSAHE

Nadinig ko noong bata pa ako na ang kahulugan daw ng Christian ay: “I am nothing without Christ.” Wala akong saysay kung wala si Kristo. Sa Mabuting Balita ngayon, inilalarawan ang buhay Kristiyano bilang ang ating pagpapasakop kay Kristo at sa kanyang plano ng kaligtasan para sa atin. Ang talinghaga ng puno ng ubas at mga sanga nito ang nagbibigay-diin sa kahalagahan ng pagtutulungan. Si Hesus ang puno na nagbibigay buhay sa mga sanga, samantalang ang Ama naman ang magsasakang nagtatabas at umaayos sa mga sanga. Ang sanga, para maging mabunga, ay dapat pabayaan ang sarili na maputol, mapilipit, o matabasan.

Ang buhay-Kristiyano ay hindi isang pagsigaw ng Kalayaan at kasarinlan. Hindi ito ang pagtayo sa sariling paa at paggawa ng anumang nais ng tao. Ang Kristiyano ay bale wala kung wala si Kristo. Kaya kailangan niyang ipagkatiwala ang buhay kay Hesus at sa Ama sa patuloy na proseso ng pagkakamit ng kabanalan, kaganapan, at kaligtasan. Bagamat masakit ang pagsuko ng sarili, at ang mga hamon ng Diyos ay hindi laging madali, kapag hindi natin ito ginawa, mahihiwalay tayo sa puno na nagbibigay sa atin ng buhay, ang Diyos mismo.

MAGNILAY

Kung nakaugnay na ako sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin, paglilingkod, at kawanggawa, mainam iyan. Subalit ang tunay na kaugnayan sa Diyos ay may kasamang masakit na proseso ng pagpapaubaya sa turo at gabay ng simbahan, ng mga lider espiritual, at lalo na sa tinig ng Espiritu Santo. Doon lamang ako tunay na magiging ako at masasabi kong: I am nothing without Christ. Wala akong saysay kung wala si Kristo, dahil ako ay Kristiyano!