Home » Blog » IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY B

IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY B

ANG SAGOT AY NASA KANYANG SALITA

LK. 24: 35-48

MENSAHE

Matapos na makinig ako sa isang babaeng naglalahad ng kanyang mga pakikibaka at suliranin sa buhay, tumigil siya sandali upang pakinggan naman ang aking payo. Nagsimula akong magbahagi ng mga kaisipan sa kanyang situwasyon, at nagmungkahi ng lunas at pagninilay batay sa aking sariling karanasan. Pero, tila hindi ito tumatalab o umaangkop sa kanyang kalagayan. Bigla kong naalala ang isang aral na natutunan ko sa Bibliya – isang aral na puno ng pag-asa – at ito ang aking ibinahagi sa kanya. Laking gulat ko nang napasigaw siya na ito ang kanyang hinahanap. Natumbok daw nitong mga salita mula sa Bibliya ang aral na dapat niyang ilapat sa kanyang buhay, mga salitang magsisilbing inspirasyon sa gitna ng mga pagsubok niyang hinaharap.

Sa Mabuting Balita ngayon, matiyagang sinisikap ng Panginoong Hesus na patunayan sa mga alagad na siya nga ay muling nabuhay. Una, ipinakita niya ang marka ng mga pako sa kanyang kamay at paa. Pagkatapos kumain pa siya sa harapan nila upang huwag masabi na isa lamang siyang multo o guni-guni. Sa wakas, binuksan niya ang isip ng mga alagad sa pang-unawa sa Salita ng Diyos. Ang mga pangako at propesiya dito ang siyang nagpabago sa mga alagad bilang mga saksi sa kapangyarihan, awa at pagmamahal ng Diyos.

MAGNILAY

Ang Bibliya ay makapangyarihang patunay kay Kristong Muling Nabuhay. Mula simula at hanggang wakas, nakatuon ito kay Hesus, nagpapatotoo sa kanya, at nagpapakilala sa kanya sa ating lahat. Sa pagbabasa at pagsasaloob ng mga salita ng Bibliya, nagkakaroon ng buhay na ugnayan ang Panginoon at ang ating situwasyon, anuman ang nagaganap ngayon sa atin. Ngayong panahon ng Pagkabuhay, pasiklabin muli ang pagmamahal mo sa Salita ng Diyos. Tandaan mo, ang kamangmangan sa Bibliya ay kamangmangan din kay Kristo! May paborito ka bang mga kataga mula sa Bibliya?