IKA-ANIM NA LINGGO SA PAGKABUHAY B
MAPAGPITAGANG PAG-IBIG
JN 15: 9-17
MENSAHE
Tuwing magninilay tayo sa pagmamahal o pag-ibig, madaling maalala ang pag-ibig sa sarili, kasi marami sa atin ang kailangan iyan ngayon; gayundin, romantikong pag-ibig at pag-ibig sa kaibigan, dahil tayo naman ang namimili ng mamahalin natin at kakaibiganin natin (sabi nga, jojowain at totropahin). Subalit may mga uri ng pagmamahal na hindi maganda sa pandinig. Pag-ibig sa pamilya minsan ay napakahirap kung may gulo doon. Pagmamahal sa kapitbahay ay malaking hamon kung iba ang ugali nila. Pag-ibig sa bayan, sino ba ang nag-iisip niyan? Sa mga pagbasa ngayon, may tawag para sa ganap at buong pagmamahal. “Magmahalan kayo…” Siyam na beses sa ebanghelyo at siyam din sa Sulat sa mga Romano binanggit ang pagmamahal o pag-ibig. Seryosong atas ito para sa isang pag-ibig na hindi namimili, nagpu-puwera, o nagtatangi. Isang utos ito na mahalin pati ang mga kakaibang tao – iyong mahirap mahalin at iyong hindi nagmamahal. Malaking hamon ito lalo na sa ating mga nagsusumikap pa lang maging Kristiyano.
Bakit nais ng Panginoong Hesus na magmahal tayo nang ganito? Sa mga sulat ng banal na babaeng si Julian of Norwich, inilarawan niya ang pagmamahal ng Diyos bilang magalang, mapagpitagan. Kakaiba yata, pero ano ba ang “mapagpitagang pag-ibig”? Ito ay pag-ibig na gumagalang sa lahat, nagpapalaya sa lahat, at nagtuturing sa lahat bilang karapat-dapat. Ang Diyos ang “mapagpitagan,” ang magalang na nagmamahal, ang yumayakap sa lahat na walang pagtatangi o pagpili… at hanggang sa punto ng sakripisyo. Ang Kristong Muling Nabuhay ay may mga brasong nakabukas para magmahal, kahit sa mga hindi perpekto, kahit sa ating mga makasalanan. Siya ang ating “Magalang na Mangingibig,” ang “mapagpitagang Panginoon.”
MAGNILAY
Ngayong panahon ng Pagkabuhay, pag-isipan kung paano ka ba magmahal. Sa anong paraan nagiging matagumpay ka? At anong paraan naman na ikaw ay nagkukulang? Manalangin kay Hesus na “Magalang na Mangingibig” at hingin ang biyaya na matularan siya sa pagmamahal na may paggalang, kalayaan at sakripisyo.