Home » Blog » SAINTS OF APRIL: Santa Catalina de Siena

SAINTS OF APRIL: Santa Catalina de Siena

ABRIL 29: Dalaga at Pantas ng Simbahan

A. KUWENTO NG BUHAY

Isa sa mga pinakadakilang babae sa kasaysayan ng Simbahan ang santang si Catalina de Siena. Ginamit ng Diyos ang kanyang pagiging babae, simple, madasalin, murang edad, at pagiging matapang upang gisingin sa katotohanan ang maraming mga tao sa lipunan at sa Simbahan. Patrona ng Italy, kasama ni San Francisco ng Assisi noong 1939, hinirang din siyang patrona ng Europe kasama ng iba pang mga bigating santo ng kontinenteng ito.

Isinilang si Santa Catalina sa Siena noong 1347. Siya ang pinakabunsong anak sa kanyang pamilya. Nakakagulat siguro para sa atin ngayon pero 25 silang magkakapatid! Mabuti na lamang at maykaya ang mga magulang ni Santa Catalina upang palakihin nang maayos ang lahat ng mga anak nila.

Batang-bata pa si Catalina ay nasumpungan na niya ang isang malalim na buhay-panalangin at debosyon sa Panginoon. Nagkaroon daw siya ng isang pangitain at nakita niya ang Panginoong Jesus noong siya ay anim na taong gulang pa lamang.

Tumanggi si Catalina sa mungkahi ng kanyang ina na ihanda ang sarili sa pagpapakasal. Ang talagang nais ng dalaga ay sundan ang landas ng buhay-kaganapan sa Diyos. sumali siya sa kilusang tinatawag na Third Order Dominicans. Ang mga miyembro ng Third Order ay nagsasabuhay ng espiritwalidad na itinuro ni Santo Domingo de Guzman kahit na hindi sila nagpapari o nagmamadre. Sa halip, nakatira sila sa kanilang mga tahanan at kasama ng kanilang mga pamilya.

Bilang kasapi ng Third Order na ito, nagsuot ng abito ng isang madreng Dominikana si Santa Catalina. Isinabuhay niya ang pag-ibig sa Diyos at gayundin ang pagmamahal sa mga dukha. Lalo niyang pinalago at pinaigting ang kanyang buhay-panalangin.

Subalit may iba pang misyon si Santa Catalina. Naging kasangkapan siya ng Diyos upang lutasin ang mga pag-aalitan ng iba’t ibang bahagi ng kanyang bansa lalo na ang mga lungsod na may kaguluhan at pag-aaway sa isa’t isa. Kaya nakita niya ang kanyang sarili sa gitna ng isang misyon sa larangan ng pulitika ng panahong iyon.

Nangaral si Santa Catalina para sa kabanalan at reporma ng buhay ng mga pari at mga namamanata sa Diyos. Noong panahon niya ay nawala ang disiplina at diwa ng panalangin at sakripisyo ng mga pari. Hinikayat niya ang mga ito na muling magbalik sa isang tunay na pagmamahal at paglilingkod sa Panginoon.

Naging masigasig na tagapagtanggol din ng karapatan at karangalan ng Santo Papa si Santa Catalina. May isang anomalya noon na kung saan ang mga Santo Papa ay umalis sa kanilang paninirahan sa Rome at lumipat sa Avignon sa France. Nagsimula ito sa isang nahalal na Santo Papa, si Clemente V, na mula sa France, at nagsunod-sunod na ang kanyang anim na mga kahalili ay hindi na umalis mula sa lugar na iyon hanggang kay Gregorio XI.

Kinausap ni Santa Catalina ang Santo Papa Gregorio XI. Hindi natin alam kung nakumbinsi ng santa ang lider ng Simbahan o kung sa anong paraan. Subalit si Papa Gregorio XI ay nagbalik sa Rome kasama ng kanyang buong pamahalaan mula sa Avignon. Laking tuwa ng buong Simbahan at natapos na rin ang kaguluhan at kalungkutan na dulot ng paglipat ng pamamahala ng Simbahan sa Avignon.

Nilibot ni Santa Catalina at mga tagasunod niya ang buong Italy para sa isang misyon ng pangangaral at pagtuturo. Nanirahan siya sa Rome sa kanyang huling mga araw at dito siya namatay noong 1380. Idineklarang santa noong 1461, si Santa Catalina ay itinanghal bilang Pantas ng Simbahan noong 1970.

Ang bahagi ng kanyang katawan ay ibinalik sa Siena dahil sa pakiusap ng mga tao doon at may bahagi naman ang nakalagak sa Rome dahil napamahal siya sa mga tao dito.

Talagang makulay ang buhay ng santang ito. Napuno ang buhay niya ng mga kababalaghan sa panalangin at pangitain ng pagpapakita ng Panginoon kung saan siya ay ikinasal kay Kristo, at pati na rin ng stigmata na hindi lumitaw sa kanyang katawan maliban lamang noong namatay na siya. Halos 300 ang mga sinulat niyang panalangin, liham, at mga pagninilay na idinikta niya sa kanyang mga kalihim habang nasa alapaap siya ng malalim na pagdarasal.

B. HAMON SA BUHAY

Tila hindi kapani-paniwalang gagamitin ng Diyos sa mga dakilang misyon ang isang simpleng tao na ang tangi lamang nais ay ialay ang buhay sa panalangin at sakripisyo. Subalit pumayag si Santa Catalina na maging kasangkapan ng kapayapaan, pagtutuwid, at pagtuturo sa mga taong nangangailangan nito.

Kaya ba nating maging bukás para sa anumang nais ng Diyos na ibigay sa atin bilang misyon ng ating buhay?

K. KATAGA NG BUHAY

1 Jn 1:5

Sa kanya namin narinig ang pahayag na ito, at ipinahayag din ito sa inyo: liwanag ang Diyos at walang kadiliman sa kanya.

(from the book “Isang Sulyap sa mga Santo” by Fr. RMarcos)