SAINTS OF JANUARY: SANTA AGNES, DALAGA AT MARTIR
ENERO 21
A. KUWENTO NG BUHAY
Isa rin sa mga unang-unang santa ng simbahan itong si Santa Agnes, na namatay para sa pananampalataya noong 3rd century, bilang isang dalagitang 12 taong gulang pa lamang. Ang kanyang pagiging sobrang bata upang magbigay patunay sa kanyang pananampalataya ang isang dahilan ng kanyang mabilis na pagiging tanyag sa mga unang Kristiyano.
Isa pang katangian ni Santa Agnes ang kanyang pagiging isang dalaga, may malinis na puso para lamang sa Panginoon na kanyang itinuring na kabiyak ng puso at tanging mamahalin sa kanyang buhay.
Kahit na katakut-takot na pahirap o torture ang kanyang pinagdaanan, buong puso niya itong hinarap at buong tapang niya itong pinagwagian. Isa siya sa pinakabantog na santa ng ating simbahan na binabanggit sa Roman Canon ng Misa (Eucharistic Prayer I).
Sa kapistahan ni Santa Agnes, nag-aalay ng isang bagong silang ng tupa sa Misa ng Santo Papa sa Roma (ang pangalang Agnes ay galing sa salitang Latin na agnus, o kordero, isang maliit na tupa). Ang balahibo daw ng tupang ito ang gagawing tela para sa “pallium” (isang telang nakasabit sa palibot ng leeg kapag nagmimisa) ng mga bagong arsobispo sa buong mundo na hinihirang ng Santo Papa taun-taon.
Malaki ang kontribusyon ni San Ambrosio sa kaalaman natin sa buhay ng ating munting santa. Ayon kay San Ambrosio galing sa isang marangal na pamilya ang santa. At kahit bata si Santa Agnes ay hindi siya umurong sa mga paghihirap na inihanda ng kanyang mga kaaway para sa kanya. Kung paanong ang maraming batang babae ay maarte sa kanilang sarili at madaling umiyak sa maliit na pagsubok, walang takot si Agnes sa pagtahak sa landas ng kamatayan.
Itinali siya ng mga tanikala na tila isang bilanggong makatatakas. Nang dalhin siya sa harap ng altar ng mga pagano, idinipa niya ang kanyang mga braso sa gitna ng apoy kung saan siya ay sinunog pero hindi siya namatay.
Bukod sa pagsunog sa kanyang katawan, pinugutan ng ulo si Santa Agnes at ito ang kanyang ikinamatay noong taong 304.
Si San Agustin at ang ibang mga manunulat at pantas ng simbahan ay naglahad din ng mga kuwento at papuri para kay Santa Agnes, na nagwagi ng dalawang pagka-martir: bilang dalisay at malinis na birhen at bilang saksi sa pananampalataya kay Kristo Hesus.
B. HAMON SA BUHAY
Nakagugulat ang buhay ni Santa Agnes dahil sa kanyang kabataang ubod ng tapang at lakas ng loob. Sana ay maturuan din natin ang mga bata at mga kabataan na maging tapat sa pagmamahal sa Diyos. Gabayan natin sila upang matuklasan nila ang dakilang pag-aalay ng puso para kay Hesus.
Tulad ni Santa Agnes, maging matapang nawa tayo sa pagsasabuhay ng ating pagsunod sa kalooban ng Panginoon.
K. KATAGA NG BUHAY
PS 27:4
Isa lamang ang hiling ko sa Panginoon, ito ang aking inaasam: ang makapanahan sa bahay ng Panginoon sa lahat ng araw ng aking buhay upang mamasdan ang kagandahan ng Panginoon, at hanapin siya sa kanyang templo.
(mula sa “Isang Sulyap sa mga Santo, by Fr. RMarcos)