Home » Blog » DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI HESUS B

DAKILANG KAPISTAHAN NG KATAWAN AT DUGO NI HESUS B

REGALO AT TUGON

MT. 14: 12-16, 22-26

MENSAHE

Alam mo ba ang magandang balita? Bilang mga Katoliko, nasa atin ang pinakamakapangyarihang patunay ng pag-ibig ng Ama, ang pinakamatibay na ebidensya ng Muling Pagkabuhay ni Hesus, at ang pinakamatapat na tanda ng presensya ng Espiritu Santo sa ating panahon at sa ating simbahan. At iyan, my friends, ay ang Eukaristiya, ang Kabanal-banalang Katawan at Dugo ng ating Panginoong Hesukristo sa Misa! Si St. John Henry Newman, isang dating Anglican na naging paring Katoliko, ang nagsabi na ito daw ang pinaka-kahangahangang pagpapala sa buong mundo. Napakalapit ng Diyos sa atin, napaka-mapagmalasakit, at napakasabik na mabuhay kasama natin at manahan sa kalooban natin na nagiging pagkain at inuming espirituwal natin siya. Bilang mga Katoliko, tayo lang ang makaka-alam ng matinding regalong ito mula sa langit!

Bukod sa pagiging regalo, ang Eukaristiya ay dapat maging tugon din. Isang aktibista para sa karapatang pantao ang nagsabi noong nabubuhay pa siya nang ganito: “Pagtanggap ko ng Katawan ni Kristo, ipinapangako kong igagalang ang aking katawan at ang katawan ng sinumang kapwa-tao ko. Pagtanggap ko ng Dugo ni Kristo, ipinapangako kong hindi ako magsasayang ng dugo ng walang malay na kapwa ko.” Sa pagsisimba natin, sa pakikinig sa Salita ng Diyos, at lalo na, sa pagtanggap ng kanyang Katawan at Dugo, unti-unti tayong dapat maging katulad ni Hesus, sundan ang kanyang paraan ng pag-iisip at pagkilos, at sarilinin natin ang kanyang mga pananaw sa buhay, sa kapwa, at sa daigdig.

MAGNILAY

Nagsisimba ka bang puno ng galak dahil sa paniniwalang tatanggap ka ng napakadakilang kaloob? Sa pagko-Komunyon, pinababayaan mo bang baguhin ka ni Hesus at gawing isang mapagmahal, magalang, at mahabaging saksi niya sa mundo? Panginoon, hindi ako karapat-dapat magpatuloy sa iyo sa aking puso, subalit sa isang salita mo lamang ay gagaling na ako.