ANG ROSARYO NI POPE BENEDICT XVI
Nang magkasakit ng cancer (stage 3) ang aking ina, pumasok kami sa isang malungkot na yugto ng aming buhay. Dahil sa kalituhan at kalumbayan, parang may nag-udyok sa akin na sumulat ng liham sa Pope noong panahong iyon, si Pope Benedict XVI. Sa sulat na iyon, naibulalas ko ang aking kalungkutan, ang mga tanong sa aking isip at ang kahilingang ipagdasal sana niya ang aking ina. Matapos hanapin at matagpuan sa internet ang mailing address ng Santo Papa, ipinadala ko ito sa pamamagitan ng snail mail, iyong may selyo sa post office, na bihira na ang gumagawa ngayon. Nahuli kasi ang Lalamove at Grabexpress e.
Ilang linggo ang lumipas at bigla na lamang akong may natanggap na isang liham galing abroad. Nang buksan ko ang envelope nagulat ako na galing ito sa tanggapan ni Pope Benedict XVI. Isang pagbati ang ipinaabot niya sa akin at gayundin sa aking ina. Nakalagay din doon na inaalala niya ang aking maysakit na ina sa kanyang mga panalangin at ibinabahagi niya dito ang kanyang matimyas na pagbabasbas.
Kasama sa sulat ang isang simple subalit magandang itim na Rosaryo na ang sabi ay iabot ko daw sa aking ina bilang tanda ng pagmamalasakit ng Santo Papa sa kanya. Nang iuwi ko ito sa aking ina, tuwang tuwa siya at napuno ng pag-asa. Hindi siya makapaniwalang ganito kalapit si Pope Benedict XVI sa isang maysakit na tulad niya mula sa isang maliit na baryo sa ating bansa. Sa loob ng pagkakasakit ng aking ina, at tuwing siya ay isusugod sa ospital, tinitiyak niyang hawak-hawak niya ang Rosaryo ni Pope Benedict. Ito din ang Rosaryong nakapulupot sa kanyang mga kamay sa kanyang pagpanaw at sa kanyang libing matapos ang dalawang taong pakikipagbuno sa cancer.
Maraming nasulat tungkol kay Pope Benedict XVI bilang isang mahigpit, masungit, suplado at walang pakialam na tao. Subalit paano mo huhusgahan ang isang tao mula sa malayo? Sa mga nakakilala sa kanya nang personal, walang sinumang nakapansin ng mga ganitong ugali sa kanya. At para sa akin, at lalo na sa aking ina, kaylaking ligaya, lugod at ginhawa ang idinulot ng isang maikling liham at isang simpleng Rosaryo na mula sa mga kamay ng Santo Papa Benedict XVI. Sumalangit nawa po kayo, Holy Father…
#ourparishpriest 2023