YEAR OF PRAYER 1: ANO ANG LECTIO DIVINA (PAGDARASAL NG SALITA NG DIYOS)
ANO ANG LECTIO DIVINA?
Ang mga salitang “lectio divina” (LD) ay Latin na ang kahulugan ay “banal na pagbabasa” at angkop ito na pangalan sa panalangin ng pakikinig sa Salita ng Diyos sa pamamagitan ng puso. Ang LD ay pakikipag-usap sa Diyos sa pamamagitan ng Bible na gamit ang buong sarili: isip, larawan, ala-ala, nais ng puso, atbp. Kasama sa LD ang pagbabasa, pakikinig, pagtugon, at pagpapahinga sa Salita ng Diyos. Maaaring gawin ito mag-isa o may mga kasama.
BAKIT MAHALAGA?
Ang LD ay umaakay sa atin na maging bukas sa Banal na Salita upang maging lalo tayong kahawig ni Kristo. Sa pakikinig sa Salita ng Diyos sa ating puso, pinababayaan nating tayo ay baguhin ng Espiritu Santo sa lalong pagiging kawangis ni Kristo. Kung gusto mo na mas maging malapit sa Salita ng Diyos sa iyong pagdarasal, maaaring magsimula sa panalanging ito.
PAGHAHANDA
Ano ang kailangan para sa pagdarasal ng Lectio Divina?
Una, pumili ng anumang talata sa Bible na gagamitin mo, maging sa Luma o Bagong Tipan. Hindi dapat mahaba ang pagbasa. Karaniwan, magandang piliin ang isang pagbasa mula sa Misa ng araw na iyon o sa Misa ng darating na Linggo. Dahil nakatakda na ang mga pagbasang ito, hindi ka na mahihirapan pang maghanap ng angkop na pagbasa.
Ikalawa, ihanda ng sarili sa pagdarasal. Maupo o lumuhod na panatag ang katawan, maayos ang puwesto at maaaring nakabukas ang kamay bilang tanda ng pagiging bukas sa kaloob ng Diyos. Iwaglit muna ang mga plano, alalahanin, o kaisipan na laman ng iyong isip at ipagkatiwala mo ito sa Banal na Pangangalaga ng Diyos (Divine Providence). Hilingin na maging bukas sa anumang nais ng Diyos na sabihin sa iyo sa tulong ng Bible reading mo.
MGA HAKBANG SA LECTIO DIVINA
Una, PAGBABASA o LECTIO: simulan ang dahan-dahang pagbabasa nang malakas ang Bible passage na pinili mo. Maging sensitibo sa anumang salita o mga salita na nakaantig ng puso o nakatawag ng pansin mo.
Ikalawa, PAGNINILAY o MEDITATIO: matapos ang maikling katahimikan, basahin ulit ang mga talata. Ngayon naman, iyong salita o mga salitang nakapukaw ng pansin sa iyo ay ituring mong paanyaya ng Diyos na makipag-usap sa iyo. Pabayaan mo ang salita o mga salitang ito na manuot, lumalim, pumasok sa iyong isip at damdamin. Kung may mga kasama, bawat isa ay magbabahagi ng salita o mga salitang nakapukaw sa kanila, subalit walang paliwanag.
Ikatlo, PRAYER o ORATIO: Basahin nang ikatlong beses ang Bible passage. Ano ang sinasabi ng Diyos sa iyo sa pamamagitan ng salita o mga salitang ito? Ano naman ang nais mong sabihin sa Panginoon? Anong mga damdamin ang nabubuo sa puso mo ngayon? Gawin mo ang mga tanong na ito na gabay sa iyong pagdarasal. Kung may mga kasama, matapos ang tahimik na pagdarasal, ibabahagi sa iba ang napagtanto nilang kahulugan ng salita o mga salita na humipo sa kanilang puso at naging mas malinaw ang kahulugan sa sandali ng panalangin.
Ikaapat, PAGMUMUNI-MUNI o CONTEMPLATIO: Sa ika-apat at huling pagkakataon, basahin muli ang sipi sa Bible. Ngayon naman, pakawalan na ang salita o mga salitang ginamit mo kanina. Manatiling tahimik at nagpapahinga sa yakap ng Panginoon. Ano ang regalo ng Diyos sa iyo sa sandaling ito ng pagninilay sa kanyang Salita? Ano ang kilos na nais niyang gampanan mo ngayon? Pasalamatan ang Panginoon sa paanyaya niya sa iyo at dahan-dahang tapusin ang panalangin. Kung may mga kasama, ibabahagi din ang bunga ng bahaging ito ng panalangin bago tapusin sa isang closing prayer ng lahat.