PANALANGIN SA PANAHON NG MATINDING TAG-INIT
ORATIO IMPERATA LABAN SA MATINDING TAG-INIT AT TAG-TUYOT
Ama naming makapangyarihan, hawak mo ang aming buhay, pagkilos at pag-iral. Taglay ang kababaang-loob inaamin namin ang aming pagkukulang at pagmamalabis sa kalikasang iyong ipinagkatiwala sa amin. Batid namin ang malubhang kalagayan nito dahil sa mahabang panahon ng aming kapabayaan at paglapastangan sa kalikasan.
Nagsusumamo kami, na nawa kami ay iyong tulungan at ipag-adya laban sa matinding init ng panahon na aming nararanasan. Ito ay lubos na nakapipinsala sa iba’t ibang aspeto ng aming buhay.
Kung paanong pinabukal Mo ang tubig sa nauuhaw at nainitan mong bayan doon sa ilang, Diligin mo ang tuyo naming lupain ng iyong masaganang ulan upang maibsan ang init na aming nararanasan at magbigay buhay sa natutuyong pananim at mga halaman, dumaloy muli ang sariwang tubig sa mga sapa at ilog gayun din sa iba pang likas na yaman.
Tumatawag kami sa iyo, Diyos ng habag at awa. Pakinggan mo ang aming pagsamo na itinataas namin sa ngalan ni Hesukristong aming Panginoon. Amen.
Mahal na Birheng Maria, ipanalangin mo kami.
San Jose, ipanalangin mo kami.
San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calungsod, ipanalangin ninyo kami.
San Roque at San Sebastian, ipanalangin ninyo kami.
Lahat kayong mga banal sa piling ng Maykapal, ipanalangin ninyo kami.
(adapted from Diocese of Imus Oratio Imperata)