INTERVIEW SA PARING EXORCIST
MULA SA ISANG PROVINCIAL-DIOCESE*
Good day to you, Father JM! Salamat sa pagpapaunlak sa interview na ito. Simulan po natin sa kaunting background. Ilang taon na po kayong exorcist at paano kayo nahirang?
Walong taon na po akong exorcist matapos piliin at italaga ng aming obispo. Bago po ako nagsimula sa ministry na ito, nagkaroon ng simpleng pagtatalaga sa akin noong July 2016.
Ano po ang mga pagsubok na kaakibat ng buhay ng isang paring exorcist?
Ang pangunahing pagsubok na nakikita ko ay ang araw-araw na pananagutan na magpakabuti bilang pari at magpakabanal para maging mabisa sa paglilingkod.
May mga paghahanda ba kayong ginawa bago kayo sinimulan ang misyon bilang exorcist?
Walang namang pormal na paghahanda habang nasa seminaryo. Malaking tulong ang annual National Conference on the Ministry of Spiritual Liberation and Exorcism sa pangunguna ng Archdiocese of Manila Office on Exorcism and Philippine Association of Catholic Exorcists. Ang venue nito ay ang University of Santo Tomas.
Sa tingin ninyo, kailangan ba talaga magkaroon ng ganitong ministry sa bawat diocese? Bakit?
Dapat talaga may ganitong ministry dahil ang mga taong may spiritual problems ay madalas doon pumupunta sa mga occult practitioners katulad ng mga albularyo, nagtatawas na nagiging dahilan ng paglala ng kanilang iniinda sa katawan, isip at kaluluwa. Ang ministri na ito ay pagkakataon din para sa evangelization. Layunin nito na ibalik ang tao sa Diyos.
Ano ba ang tunay na focus ng ministry ng isang exorcist dahil kapansin-pansin na ang mga nahahalina sa gawain ng exorcism ay napapako ang atensyon sa gawain ng demonyo?
Ang dapat na maging pokus ay ang pag-ibig at kapangyarihan ng Diyos. Mas dapat bigyan diin na ang healing at liberation ay nagaganap dahil sa pananampalataya sa Diyos, at hindi sa mga gawain ng masamang espiritu.
Napahamak na po ba kayo dahil sa inyong ministry?
Laging may mga hadlang at paghihiganti ang demonyo subalit ang biyaya ng Diyos ay palaging nariyan. Wala pa namang malaking kapahamakan na dumating sa akin dahil na rin sa awa at tulong ng Diyos.
May unforgettable experience po ba kayo kalakip ng inyong gampanin? Ano iyon?
Isa sa mga karanasan ko ay ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos. Matapos ang matagal at nakakapagod na session sa udyok ng Espiritu Santo ay nagbabasa kami ng Salita ng Diyos. Matindi ang reaksiyon ng demonyo lalo na sa Philippians 2:10.
Ano ang tamang pang-unawa ng isang Katoliko sa gawain ng exorcist?
Dapat pong isaalang-alang na Ito ay ministry ng paghilom at pagpapalaya (healing ang liberation). Hindi ito dapat haluan ng superstitious beliefs o mga pamahiin.
Ano ang mahalagang role ni Mama Mary sa buhay ng exorcist?
Matindi ang takot ng demonyo sa Mahal na Ina dahil siya ang gumapi dito, tulad ng isinasaad sa Gen. 3:15. Laging nariyan ang proteksiyon ng Mahal na Ina para sa kanyang mga anak.
Paano ka higit na nailapit sa Panginoong Hesukristo ng inyong paglilingkod bilang exorcist?
Dahil sa aking misyon mas naging madasalin ako at mas naging madalas ang pagkukumpisal. Mas naging maingat sa kilos at pananalita dahil alam kong ito ang nais ng Panginoong Hesukristo na aking gawin at isabuhay.
Ano ang maipapayo ninyo sa mga Katoliko tungkol sa buhay Kristiyano at sa tunggaliang espirituwal sa buhay ng bawat mananampalataya?
Palaging sumampalataya sa Diyos. Iwaksi ang mga paniniwala at gawaing taliwas sa pananampalataya. Muling tuklasin at pahalagahan ang prayer life at sacramental life na nagsisilbing mabisang proteksiyon laban sa masama. Live a virtuous life, always in the state of grace.
Ano ang masasabi ninyo sa kasikatan ng exorcist sa “popular imagination” ng mga tao sa media/ social media?
Dapat manatiling humble ang exorcist. Iwasan ang mga pasiklab o pagpapasikat na maaaring maging opening ng demonyo.
Salamat po, Fr. JM. Let us pray for each other always.
Walang anuman po.
*Ang pangalan at iba pang detalye ng pari ay itinago upang maiwasan ang sensationalism na karaniwang ikinakabit sa paglilingkod na ito.