IKA-14 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
LABANAN ANG “PAGTATAKWIL”
MK 6: 1-6
MENSAHE
Ang ganda na sana ng simula ng Panginoon. Masaya siyang umuwi sa kanila. Nagturo nang mahusay sa sinagoga. Hinangaan pa ng mga kapitbahay niya. Pagkatapos, naganap na ang hindi inaasahan… lumitaw ang buntot ng ahas… nagsimula na ang pagtatakwil sa kanya. Siniyasat ng mga tao ang kanyang nakaraan, ang kanyang pamilya, kaalaman at kapangyarihan. Dinamdam itong Panginoong Hesus sa kanyang puso.
Sa panahon nating kaybilis ng koneksyon at komunikasyon, kaydali din namang magtakwil ng kapwa. Uso ngayon ang “cancel culture,” iyong bang kapag hindi gusto ang sinabi mo, o hindi akma sa pandinig ng iba, o hindi nagustuhan ang pagtatama mo sa kanila, basta na lang lalayuan ka, iiwasan ka, ibubukod ka na! Sino ba ang hindi nakaranas nitong panlalamig na ganito sa paaralan, trabaho, simbahan, at maging sa tahanan?
Dumanas ang Panginoong Hesus ng pagtatakwil dahil lamang ginampanan niya ang misyon niya mula sa Diyos. Subalit kahit pa nagdamdam, hindi siya nagpatalo sa pagtatakwil ng mga tao. Mas masigasig pa nga siyang nangaral, nagpagaling, at naglingkod sa mga nangangailangan at mga handang makinig sa kanya. Lalong lumawig ang kanyang pasensya at determinasyon.
MAGNILAY
Totoong ang pagtatakwil o rejection, lalo na mula sa malalapit sa atin at mahal natin, ay nakakatakot na pangyayari. Kung dumaan ka sa karanasang ito, hingin sa Panginoon ang kaloob na paghilom ng iyong puso; at ang kaloob na lalong pagsusumikap na maniwala sa iyong misyon sa buhay. Labanan ang pagtatakwil sa pamamagitan ng pananampalataya sa Ama na naniniwala sa iyo, at kay Hesus na nakakaunawa ng naranasan mo.