IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
BINGI AT PIPI PA MORE?
MK 7: 31-37
MENSAHE
Ipinapakita ng Mabuting Balita ngayon ang kalagayan ng pagkabingi at pagkapipi bilang natural na kapansanan. Ito ay mga kakulangang buo at mula pa sa kapanganakan kaya noong sinaunang panahon, walang makitang lunas. Tanging sa kapangyarihan ng Diyos na kumikilos sa mapaghimalang kamay ng Panginoong Hesukristo naganap ang paghilom at kaganapan. Ngayon naman sa panahon natin, laganap pa din ang pagkabingi at pagkapipi ng mga tao, at maaaring kabilang na tayo dito. Kaya lang, may kaibahan; ang mga kapansanang ito ngayon ay hindi mula sa kapanganakan kundi mula sa kapaligiran… hindi buo kundi may pinipili lamang.
Bingi tayo sa mga nakapaligid sa atin pero nadidinig natin ang bawat tunog sa ating mga gadget. Pipi tayo sa mga malapit sa atin subalit nakikipag-usap tayo sa mga kaibigang “online” o “virtual” na hindi man lamang natin tunay na kilala o kaya ay nakasalamuha.
Higit sa lahat ng panahon sa kasaysayan, kailangan nating makita ang dahilan kung bakit mahalagang makinig sa isa’t-isa at kung bakit ang pagsasalita na may kabaitan at malasakit ay mahalaga para sa pamumuhay nang payapa at nagkakaisa. Kailangan nating magsalita na may linaw, lakas nang loob, katapatan, at tiwala sa mga nakapaligid sa atin upang magkaunawaan ang lahat. Kailangan nating makinig, maging sa mga salitang ayaw nating madinig, dahil baka ang mga ito ang gagabay sa atin at magtuturo sa atin ng tama. Ang mga ugnayan sa pamilya, sa magkakaibigan at magkakapit-bahay ay nagdurusa kapag ang mga tao ay kumakapit sa kanilang pinili at inangkin na pagkabingi at pagkapipi. Panahon na upang pabayaan ang Panginoon na pakawalan tayo sa pagkakabihag sa mga kapansanang ito.
MAGNILAY
Mabuksan po nawa! – Ito ang gawin nating pagsamo sa Panginoon sa linggong ito. Nawa mabuksan ang ating mga tainga upang madinig ang Salita ng Diyos sa Kasulatan, sa simbahan, at sa mga taong tunay na may malasakit sa atin. Nawa mabuksan ang ating mga bibig upang magsalitang walang takot at kahihiyan tungkol sa pagkalinga natin sa mga taong naghihintay ng ating kaunting pagmamahal. Panginoong Hesus, hilumin mo po kami sa pagkabingi at pagkapipi! Amen.