Home » Blog » IKA-24 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-24 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

“TANONG-PANSARILI” at “TANONG-PANANAMPALATAYA”

MK 8: 27-35

MENSAHE

Kapag bata ka pa, ang tanong mo: Ano ang misyon ko sa buhay? Kapag magulo ang lahat, iniisip mo naman: Ano ang dahilan ng lahat ng ito? Kapag matanda ka na, nag-iiba na din ang tanong: May saysay pa ba ang paglagi ko sa mundo?

Magandang suriin ang sarili; walang masama sa “tanong-pansarili” (self-check) dahil mabuting alam natin ang dahilan ng buhay, ng pag-iral sa mundo. Sa larangan ng pananampalataya, mas mahalaga din magtanong, magsuri, pero may pagkakaiba. Hindi na tungkol sa “akin,” hindi tungkol sa atin. Tungkol na sa Diyos ang tanong. Ipinapaalala ng Panginoong Hesukristo na mahalagang huminto sandali at gumawa ng “tanong-pananampalataya” (faith-check) at sagutin ang mga pabulong na tanong ng Diyos sa ating puso: Sino ako ayon sa iyo? Sino ako sa puntong ito ng iyong buhay? May puwang ba ako sa puso mo?

Nagtatanong tayo hindi dahil tayo ay mga nilalang lamang sa harap ng “Manlilikha”; mga lingkod lamang sa piling ng isang “Amo”; mga anak na nakadepende sa “Magulang.” Nagtatanong tayo dahil ang sagot na ibibigay natin sa Diyos ang mismong magpapalinaw ng ating mga “tanong-pangsarili.” Hindi natin kasi makikilalang lubos ang ating sarili kung hindi natin kilala muna ang Diyos – hindi bilang manlilikha, o amo, o magulang, kundi bilang kaibigan at nagmamahal sa atin.

Noon lamang masagot ng mga alagad ang tanong ni Hesus sa kanilang puso, ang “tanong-pananampalataya,” na naunawaan nila ang tunay na layunin at misyon nila sa buhay, ang “tanong-pansarili” nila. Ito ay ang maging tagasunod, matapat na tagasunod na lilimutin ang sarili, papasanin ang krus, at tatahakin ang landas ng Panginoon.

MAGNILAY

Ngayong linggong ito, maglaan ng sandali para manahimik nang kaunti. Sa puntong ito ng iyong buhay, sino si Hesus sa iyo? Saang bahagi ng buhay mo, matingkad ang presensya niya? Ano ang kalagayan ng ugnayan mo sa kanya?