Home » Blog » IKA-30 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-30 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

MULA SA GILID TUNGO SA GITNA

MK 10: 46-52

MENSAHE

Sa Mabuting Balita ngayon inilipat ang isang lalaking bulag mula sa gilid patungo sa gitna. Si Bartimeo ay bulag, may kapansanan, kaya walang kuwenta sa lipunan; hanggang pamamalimos na lamang siya. Ang puwesto niya ay sa gilid, sa tabi-tabi, sa laylayan kung saan hindi siya makaka-abala ng iba. Wala din siyang tinig. Noong magsalita nga siya sa Panginoong Hesus, sinaway pa siya ng mga alagad. Talagang wala – walang kuwenta, walang halaga, walang presensya. Sa mga Griyego ang tawag sa tao ay “prosopon,” pero mayroon ding tao na tinatawag na “aprosopon,” iyong “walang mukha.” Ganyan si Bartimeo noon.

At dito lumutang ang kadakilaan ng Panginoong Hesus, ang malawak at bukas niyang puso. Sa isang “walang mukha,” nabanaag niya ang isang kapatid. Sa isang walang tinig, nadinig niya ang isang hinaing. Mula sa isang nasa gilid lamang, hinatak niya ang kamay at itinayo sa gitna, upang mapansin at upang makasalamuha ng kanyang mga kapatid, upang madama ang lambing ng pagmamahal ng Diyos.

Nitong Setyember 2024, dinalaw ni Pope Francis ang apat na mga bansa sa Asya at Oceania, ang pinakamahaba niyang paglalakbay. Nakisalamuha siya sa mga nasa gilid – ang mga minoryang Kristiyano sa Indonesia, ang mga tribo ng Papua New Guinea, ang mga Katolikyo sa mahirap na bansang East Timor, at ang kaunti subalit buhay na mga mananampalataya ng Singapore. Sa diwa ni Hesus, dinala niya sa pansin ng mundo ang mga inaapi, nakalimutan, napabayaan, at nilalampas-lampasan ng lipunan – lalo na ang mga bata, matatanda, migrante, maysakit, at mga dukha.

Bilang mga Katoliko, hindi naman natin kailangang sundan ang Santo Papa sa mga malalayong lugar. Sa kinatatayuan natin, may mga taong nasa tabi-tabi na tumatawag ng pansin natin tulad ni Bartimeo kay Hesus. Baka may Bartimeo sa ating tahanan na mahirap mahalin, Bartimeo sa trabaho na mahirap patawarain, Bartimeo sa kapitbahay na masarap iwasan. Kailan tayo magpapasya na maging tulad ni Hesus at mag-abot ng kamay sa isang nasa gilid ng ating puso?

MAGNILAY

Panginoong Hesus, gawin moa ko ngayong linggong ito na tulad mo ay sensitibo sa mga taong nangangailangan ng aking pagmamahal. Matuto nawa akong ngumiti at bumati sa iba. Makinig nawa ako sa isang nais magkuwento ng saya o problema. Maging bukas nawa ang aking puso upang maluwag na tanggapin at yakapin ang mga taong nais kong kalimutan at hindi pansinin. Amen.