IKA-31 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
ANG BATAS ISINALAMAN
MK 12: 28B-34
MENSAHE
Ano kaya ang nakain ng eskriba at nagtanong tungkol sa batas sa ating Panginoon? Ang eskriba, at hindi ang Panginoong Hesus, ang siyang bihasa sa Batas, lublob sa Batas, at dahil dito siya ang nagsusulat ng mga dokumento tungkol sa Batas. Walang Batas na hindi alam ng eskriba. Kaya, nakapagtataka, bakit nagtanong pa siya kay Hesus?
Maaaring nais lang niyang patunayan ang matagal na niyang alam. Maaari din namang sinusubukan niya ang galing ng Panginoon. O baka kaya may Nakita siya kay Hesus na nagpaalala sa kanya ng mga batas ng Diyos. Palagay ko ito na iyon. Hindi nangaral si Hesus sa mga tao na isaulo ang Batas, o pag-aralang Mabuti ang Batas. Subalit sa kanyang sarili, binigyang buhay ng Panginoon ang Batas. Dahil si Hesus ay nag-uumapaw sa pagmamahal sa Diyos na tinawag niyang Abba, Tatay, at ang kalooban niya ang pamantayan ng kanyang buhay. Gayundin, nagpakita si Hesus ng malalim na pakikiisa sa mga kapatid niya na minahal niya hanggang sa dulo, hanggang sa huling patak ng kanyang dugo.
Naakit ang eskriba sa Panginoon dahil Nakita niya dito hindi ang titik ng Batas kundi ang diwa ng Batas. Para sa Panginoong Hesus, ang Batas ay hindi paksang pag-aaralan o batayan ng pagkilos lamang. Isinapuso ng Panginoon ang Batas at binigyan ng mukha ng tao, upang maunawaan ng lahat na posibleng magmahal sa Diyos at sa kapwa tao. Dahil dito, higit pa si Hesus na tagapagbigay ng Batas kaysa kay Moises. Mas dakila at lantay ang Batas ng pagmamahal na dala niya sa atin.
MAGNILAY
May kilala ka bang tao na nagpapaalala sa iyo kay Hesus? Tao na hindi nagsasalita masyado o madalas subalit tahimik na nagsasabuhay ng pagmamahal sa araw-araw, sa karaniwang mga Gawain, at sa kanyang sariling paraan? Huwag hangaan lamang ang taong ito. Hilingin sa Panginoon na gawin kang tulad niya, isang taong nagsapuso, nagsalaman ng pag-ibig sa mundo.