Home » Blog » IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO K

IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO K

PUMASOK SA KASAYSAYAN

LK. 3: 1-6

MENSAHE

Sabi ng mga bihasa sa Bible, si San Lukas daw ay isang historyador. Hindi siguro tulad ng mga guro at eksperto sa kasaysayan ngayon, subalit totoong layon ni San Lukas na ipakita ang misteryo ni Hesus at maging ng simbahan sa konteksto ng kasaysayan noong panahon niya. Sa pagbasa ngayon, malinaw na binabanggit ni Lukas ang mga taong kilala sa kasaysayan upang patunayan ang kanyang mensahe – naganap ang Pagkakatawang-tao ng Diyos! At ito ang pangunahin niyang pahayag – tunay na pumasok ang Diyos sa mundo, sa ating mundo, sa pamamagitan ng kanyang Anak!

Ang pagdating ng Panginoon ay mailalarawan sa dalawang paraan. Una, isa itong “pagsabog” mula sa labas – isang biglaan at sapilitan ngunit kinakailangang panghihimasok. Ang Anak ng Diyos, ayon kay Juan Bautista ay darating mula sa labas ng panahon at lugar ng mundo. Siya ay panauhing magmumula sa piling ng Ama. Pangalawa, ang pagdating ni Hesus ay isang “pagbu-bukal,” pagdaloy mula sa kaloob-looban, tulad ng bulkang Taal o Mayon na nagbubuga ng kumukulong lava o masangsang na usok; mula sa kaibuturan, sa kalaliman. Galing sa kasaysayan mismo, sa sinapupunan ng Birhen, sa bayan ng Israel – ito rin ay pinagmulan ni Hesus. Kaya ang pagdating ng Panginoon ay “pagsabog” mula sa labas ng kasaysayan dahil galing siya sa Ama sa langit, at “pagbu-bukal” mula sa loob ng kasaysayan, dahil iluluwal siya ng Birheng Maria.

Sa ikalawang linggo ng Adbiyento, magandang pagnilayan ang dalawang paraan ng pagdating ng Panginoon. Mula sa labas ng kasaysayan, dahil kailangan niyang makialam sapagkat kung hindi, paano natin ililigtas ang ating sarili? Kailangan natin ng isang gagambala sa ating buhay at gugulo sa ating nakasanayang mga kasalanan. Subalit kahit mula sa labas, si Hesus ay hindi taga-labas, hindi miron, hindi dayuhan dahil dumating din siya mula sa loob – nagsimulang maliit, mahirap, mahina, at payak – tulad nating mga inangkin niyang kapatid at kaibigan. Panahon na upang tayo naman ang magbukas ng puso ng ating kasaysayan sa kanya, magbukas ng puso sa panauhin na kapatid din natin.

MAGNILAY

Ano kaya ang nagaganap ngayon sa buhay mo? Ano ang mga pangyayari sa iyo? Panatag at kumportable ka ba o dumadaan sa sakit, kalungkutan, kaguluhan o pagkalito? Ihanda ang puso para kay Hesus; maglaan ng puwang para sa Diyos na Tagapagligtas, Kapatid at Kaibigan!