Home » Blog » IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO K

IKATLONG LINGGO NG ADBIYENTO K

KAILANGAN NATIN LAHAT ANG PAGBABAGO

LK 3: 10-18

MENSAHE

Dati, lagi kong ipinagdadasal ang pagbabago ng isang taong sa tingin ko ay puno ng kamalian. Sambit ko: “Panginoon, gawin ninyo po siyang ganito… gawin ninyo po siyang ganoon…” Walang masamang maghangad ng pagbabago ng iba, upang mapabuti sila. Sa Mabuting Balita, iyan ang panawagan ni Juan Bautista – pagbabagong puso, pagpapalit ng ugali, pananariwa ng buhay. Hinikayat niya ang mga tao: “Magbigay at huwag matakot magbahagi. Igalang ang kapwa at huwag mang-api ninuman. Maging tapat sa gawain at huwag gambalain ang iba.” Sa paghahanda para sa Mesiyas, ipinangaral ni Juan na totoong possible ang pagbabago kung kasama ang Diyos.

Subalit sa tingin ko, una munang nakita ni Juan ang pangangailangan niyang magbago. Hindi lang iyong “iba” ang may kailangan nito – siya mismo ang unang umamin sa sarili. Habang nangangaral ng pagsisisi, tinanggap niyang dapat din siyang magpalit ng buhay. Ipinahayag niyang hindi siya ang Mesiyas at wala siyang karapatang maging lingkod nito; na siya mismo ay nananabik na tanggapin ang Espiritu at apoy na dala ng Tagapagligtas. Ang pangangaral ni Juan sa pagsisisi at pagbabago ay humantong din sa kanyang sariling pagtanggap na kailangan din niya ang Mabuting Balita ni Kristo.

Tulad ni Juan, sa ating paghahangad ng pagbabago ng kapwa, dapat din tayong bumaling sa sarili at suriin ang puso. Sa Adbiyentong ito, hilingin din nating bakbakin ng Diyos mula sa atin ang bahid ng yabang, galit, inggit, pagnanasa, at iba pang bisyo. Masalamin nawa sa atin ang pagbabagong nais nating makita sa iba habang hinihintay natin ang pagdating ng Pangioon.

MAGNILAY

Panginoon, baguhin mo po ang taong ipinagdadasal ko mula sa kanyang mga pagkakamali at kapalpakan. Subalit mas mahalaga, baguhin mo po ako. Alisin mo po sa akin anuman ang nagiging sagabal sa pagdating mo sa mundong ito. Amen.