KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK
SINO ANG HUMAHAWAK SA IYONG KAMAY?
LK 2; 41-52
MENSAHE
Isang tao ang nakipagbuno sa depresyon isang gabi at muntik nang saktan ang kanyang sarili o maaari pa ngang kitilin ang kanyang buhay. Malayo kasi siya sa pamilya niya noon. Subalit maging sa kaguluhan ng isip, naalala niyang tawagan ang isang tao, na maaaring makaalam ng kanyang huling mga sandal. Ang taong ito, bagamat hindi pa naman matagal na kakilala, ay himalang nakinig, nagpayo, nagpahinuha, at nakiisa sa taong nawawalan na ng pag-asa. Sa huli, hindi itinuloy ng tao ang kanyang maling balak at muli niyang binigyan ng pagkakataon ang sarili na mabuhay at makibaka.
Nang mawala ang Batang Hesus sa piling ng kanyang mga magulang, maaaring nakaligtas din siya dahil sa kabutihan ng mga estrangherong nakilala niya sa loob ng tatlong araw na iyon. Totoong natagpuan siya ni Maria at Jose sa piling nga mga guro sa Templo. Pero, sino ang nagpakain sa kanya? Sino ang nagpatuloy sa kanya tuwing gabi? Sino ang nagbukas ng pintuan sa kanya? Sino ang tumayong mga magulang ng isang bibong bata na nawawala? Palagay ko, nakatagpo ang Panginoong Hesus ng pamilya sa katauhan ng mga mapagkalingang mga tao.
Tuwing iisipin natin ang pamilya, ang una nating iniisip ay ugnayan ng dugo o kalahi. Mas malapot daw ang dugo kaysa tubig, at madalas totoo naman iyan. Subalit may mga oras na, kapag wala o malayo ang mga kadugo, ang pamilya ay hindi tungkol sa parehong lahi o pinagmulan. Ang pamilya ay maaari ding tao o mga tao na hinahawakan ang iyong kamay at binubuksan ang kanilang puso para sa iyo sa oras ng pangangailangan.
MAGNILAY
Ngayong Kapaskuha, pinararangalan natin ang Mabathalang Pamilya ng Santissima Trinidad, ang Banal na Mag-anak ng Nasaret, at ang ating mga pamilya. Subalit kilalanin din natin at pasalamatan ang “pamilya” na natatagpuan natin sa mga taong nagmamahal, kumakalinga, nagpapahalaga, nakikilakbay at tumatanggap sa atin na handang hawakan ang ating kamay at bigyan tayo ng suportang kinakailangan.