KAPISTAHAN NI MARIA, INA NG DIYOS K
MGA BABAENG PUNO NG GRASYA (Lk 2; 16-21)
MENSAHE
Ang talaangkanan o listahan ng mga ninuno ni Hesus sa ebanghelyo ni Mateo ay kahanga-hanga. Ito ang lahi ni Abraham at ang angkan din ni David. Narito ang mga magigiting na lalaki, at pati na ang mga hindi maipagmamalaki. At pagdating sa mga kababaihang ninuno, ni walang nabanggit sa mga sikat sa Israel tulad nina Sara, Rebeca, Lea at Raquel. Sa halip, si Rahab, Ruth, ang asawa ni Urias at si Tamar na pawang mga dayuhan o kaya may masamang pangalan ang nandoon. Sa pamamagitan ng mga mata nila, makikita nating ang kasaysayan ng ating pananampalataya ay hindi kagitingan at dangal kundi biyaya at awa ng Diyos. Hindi tungkol sa tagumpay at perpektong mga tao kundi tungkol sa tahasang pakikialam ng Diyos.
Higit sa lahat, ang listahan ay humantong kay Maria, na kakaiba sa mga babaeng nabanggit doon. Isang birhen, isang banal, isang anak na dalaga ng Israel, isang hinirang. Ang tunay na ninuno ng Anak ng Diyos ay hindi mula sa hanay ng mga lalaki kundi mula sa babaeng ito. At ang kanyang pagiging Ina ng Anak ng Diyos, Ina ng Manunubos, ay walang kinalaman sa kanyang kadalisayan o kadakilaan. Nakaugat ito sa kanyang kababaan, kapayakan at kapakinabangan sa Diyos, sa kanyang “Opo, Panginoon,” sa kanyang “Maganap nawa sa akin,” na tugon niya sa Arkanghel Gabriel.
Sa pagdiriwang natin ng pagiging Ina ni Maria, hindi tayo inaayayahang magbunyi sa paghanga sa kanya. Hindi din tayo inaasahang mag-alay ng mga korona at hiyas. Hindi din tayo inaasahang ipamansag ang kanyang mga dakilang titulo. Simple lang ang paanyaya – pumasok sa kanyang pananaw, sa kanyang pagkatao, sa kanyang puso – “Maganap nawa sa akin ayon sa wika mo.”
MAGNILAY
Habang pinalalalim natin ang debosyon sa Mahal na Birhen, huwag tayong manatili sa pagdiriwang lamang at pagmamalaki ng kanyang kadakilaan. Manalangin tayong mabigyan ng grasya ng mga pusong mapagkumbaba at masunurin sa Diyos na tumatawag din sa atin na ibahagi ang kanyang Anak sa kapwa bawat araw. O Maria, Ina ng Diyos at aming Ina, ipanalangin mo kami! Manigong Bagong Taon po sa inyong lahat. Nawa ang Ina ng Diyos at Ina natin, si Maria, ay maging laging kapiling sa bawat araw.. ngayon at kung tayo’y mamamatay… Amen.