Home » Blog » KAPISTAHAN NG EPIFANIA K

KAPISTAHAN NG EPIFANIA K

ANG MAKITA ANG DIYOS SA KARANIWAN (Mt 2; 1-12)

MENSAHE

Sa tuwing kapistahan ng Epifania o Tatlong Hari, binabalikan ng Mabuting Balita ang mga pantas na dumalaw sa Banal na Mag-anak. At maraming tanong ang lumulutang muli. Hari ba sila o mga astrologo? Tatlo ba sila (batay sa regalong dala nila) o mas marami pa? Likhang isip ba o tunay na makasaysayang mga karakter mula sa Silangan? Ay naku, taun-taon ang mga tanong na iyan.

Mas mahalaga sa mga pagsasaliksik na ito sa “Tatlong Hari” ang mensaheng dulot nila sa atin. Nang makita nila ang tala, nalaman nila kung paano basahin ang banal nitong pahiwatig. Mensahe ito ng Diyos tungkol sa bagong silang na magiging Hari ng Israel at Hari ng buong mundo. Nang sa palasyo ni Herodes sila tumuloy, tila naisip nilang ito ang natural na tirahan ng isang hari. Subalit nang makaharap si Herodes, napagtanto nilang hindi siya, o sinuman sa angkan niya, ang ipinahahayag ng tala.

Sa halip, sa pagsunod muli sa tala, natagpuan nila ang Hari sa pinaka hindi inaasahang mga kalagayan. Sa sabsaban, nakita nila ang tunay na palasyo; sa munting Sanggol, ang makapangyarihang Pinuno; sa payak na pamilya, ang presensya ng Diyos; sa tahahan ng karpintero, ang Diyos na naninirahan sa piling ng kanyang mga kapatid. Ang mga Pantas ay tunay na marurunong na tao, dahil natuklasan nila ang “prinsipyo ng Diyos” – na nananahan siya sa mga karaniwan, simple, at payak na bagay ng mundong ito. Nakakainggit ang pusong mapagnilay ng mga Pantas na ito mula sa Silangan.

MAGNILAY

Habang unti-unti nating itinatabi ang mga palamuti, iniiwanan ang mga pagsasaya, at winawakasan ang panahon ng Kapaskuhan, matutunan nawa natin paano matagpuan ang Diyos. At ngayon, hindi sa mga himala ng langit o pagdiriwang ng mga tao, kundi sa ordinaryo at pang-araw araw na buhay na tatahakin natin sa bagong taong ito. Magkaroon nawa tayo ng mga matang nakikita ag Diyos, nadarama si Kristo, sa piling ng mga tao, lugar, bagay, at ng mga pangyayari sa bawat araw na darating.