BAWAL MAG-GREET NG MERRY CHRISTMAS?
Nauuso ngayon na ang dating tinatawag na Christmas party e tinatawag nang “year-end” party. Kung year-end yan, e bakit sa kalagitnaan ng Disyembre ginagawa? Dapat siguro mag-party sila sa Dec. 31 para accurate ang intention ng party nila. Kaya may party sa Disyembre bago mag Dec. 25, ay dahil sa Pasko, at ito ay walang iba kundi “Christmas party,” wala nang iba.
Tinatawag daw na “year-end party” para maging inclusive at walang makadamang hindi sila kasali, na hindi sila puwera sa okasyon. Pero kailan ba nag-puwera ang pag-ibig ng Diyos? Lalo na, kailang ba nag-puwera ang pagsilang ng Panginoong Hesukristo? Isinilang siya para sa lahat, tumubos ng kasalanan ng lahat, nag-alay ng buhay para sa lahat – Katoliko, Protestante, Christian, Hudyo, Muslim, Hindu, o anupamang relihyon, sekta, lahi, kasarian, antas o kalalagayan sa buhay.
Dahil sa Pasko, lahat ng estudyante e may Christmas break, kahit ano pa ang paniniwala nila. Lahat ng empleyado ay may Christmas bonus (o 13th month) kahit ano pa ang kinabibilangang. Lahat ng tao ay may holiday, panahon sa pamilya, bakasyon sa probinsya o ibang bansa. Ano ang naging exclusive doon? May hihigit pa bang inclusive dyan? Lahat ay nabibiyayaan ng diwa ng Pasko.
Naniniwala ka man kay Kristo o hindi, siguro naman, at least natutuwa kang ipinagdiriwang ang kapanganakan niya dahil pati ikaw ay kasali sa pagsasaya, sa bigayan, sa kainan, at sa walang pasok.
Binabago ba natin ang pangalang ng pagdiriwang ng ibang relihyon? Takot ba tayong banggitin ang Ramadan ng mga kapatid nating Muslim, ang Diwali ng mga kapatid na Hindu, ang Hannukah ng mga Hudyo? Bakit lahat nakiki “kung hei fa choi” pag Chinese New Year. Pinapalitan ba natin ang tawag sa ibang kapistahan ng ibang pananampalataya? Bakit sa Pasko lang tayo allergic.
Baka sa pagnanais na maging inclusive, ang tanging ipinu-pwera ay hindi ang iba kundi ang mga Kristiyano, ang mga Katoliko, at mismong ang Panginoong Hesukristo?
May napansin din akong ugali ng ilang tao ngayon. Batiin mo ng “Merry Christmas” at hindi ibabalik sa iyo ang pagbati. Siguro magsasabi ng “thank you” o kaya sasabihan “have a good day” o “happy holiday,” pero parang sinisilihan ang dila sa pagsasabi ng “Maligayang Pasko.”
Di ba, kahit hindi natin ka-close e binabati natin ng “Happy Birthday” o “Condolence” o “Congratulations,?” Ang pagbati na iyan ay hindi nakakabawas sa inyong relihyon o paninindigan kundi nagpapakita ng inyong pakikipag-kapwa tao. Maaaring hindi ninyo dama, pero alang-alang sa kapwa mo, masama bang pasayahin siya? Masama bang magpakita ng paggalang sa kanyang pagdiriwang? Bahagi ng sibilisadong pakikitungo sa lipunan ang paggalang sa pananampalataya ng iba, kahit hindi mo ito tinatanggap o sinasang-ayunan. Ang ganitong ugali ng pagkakait ng simpleng pagbati ay hindi tanda ng mabuting edukasyon kundi ng tinatawag na bigotry o kakitiran ng isip. Hindi ito bahagi ng pagkilos tungo sa dialogue, equality at respect na dapat maging tanda ng lipunang nagiging malawak ang pang-unawa.
Gumising nga at huwag nang maging makitid ang isip. Makiisa sa saya at biyaya.
Kahit ano pa ang ugali ng iba diyan, mula noon hanggang ngayon, “tuloy na tuloy pa rin ang Pasko.” Merry Christmas po sa inyo!