SAINTS OF JULY: SANTA MARTA, SANTA MARIA AT SAN LAZARO, Hulyo 29
MAGKAKAPATID NA KAIBIGAN AT TAGASUNOD NG PANGINOON
KUWENTO NG BUHAY
Mula sa Mabuting Balita ay kilalang malapit na mga kaibigan ng Panginoong Hesukristo ang tatlong magkakapatid na ito. Madalas nilang pinatuloy sa kanilang tahanan ang Panginoon upang magpahinga at makaranas ng lantay na pagkakaibigan. Ang dalawang babae ay malayang nakipag-usap sa Panginoon at si Hesus naman ay nagpaunlak na dalawin ang puntod ni Lazaro at muli itong buhayin mula sa kamatayan.
Si Marta ang nagpahayag ng simple subalit matatag na pananampalataya sa Panginoong Hesukristo matapos ang kamatayan ng kanyang kapatid na si Lazaro. “Sinabi sa kanya ni Jesus, ‘Ako ang muling pagkabuhay at ang buhay. Ang sinumang sumasampalataya sa akin, kahit mamatay ay muling mabubuhay; at sinumang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay kailanman. Naniniwala ka ba sa sinabi ko?’ Sumagot siya, ‘Opo, Panginoon! Naniniwala po akong kayo ang Cristo, ang Anak ng Diyos na inaasahang darating sa sanlibutan’.” (Jn 11: 25-27).
Ang aktibong si Marta din ang pinaalalahanan ni Hesus na huwag maging abala sa maraming bagay kundi maging laging bukas ang puso sa Diyos. Si Maria, na kanyang kapatid naman ang nakinig sa Panginoon at siyang pinili ang higit na mahalaga. Sa Jn 12: 1-8, si Maria ay pinuri dahil sa kanyang pagpaparangal sa Panginoon sa pamamagitan ng pagbubuhos ng langis sa paa nito at sa pagpupunas dito sa pamamagitan ng kanyang buhok. Si Lazaro naman ay pinagtangkaan ng mga punong pari dahil maraming mga Hudyo ang naniniwala kay Hesus dahil sa karanasan ni Lazaro. Mahal na mahal ni Hesus si Lazaro na malaya niyang iniyakan ito nang ito ay mamatay.
May mga kuwentong-bayan o alamat tungkol sa kinahinatnan ng magkakapatid matapos ang Pag-akyat sa langit ng Panginoon. Sinasabing si Lazaro daw ay nagsulat ng kanyang mga nasaksihan sa kabilang-buhay noong siya ay namatay at bago siya buhaying muli ng Panginoon. Sabi naman ng iba, sumunod siya kay Pedro sa Syria. At may kuwento na himalang nakarating siya at ang dalawang kapatid niya sa Cyprus, matapos na isakay sila ng mga Hudyo sa isang bangka na may butas. Doon daw naglingkod si Lazaro bilang isang obispo nang halos 30 taon.
Nagkaroon din ng maagang debosyon kay San Lazaro dahil noong taong 390, naitala ng ginang na si Eteria ang isang prusisyon sa Holy Land na dumadalaw sa dating libingan ng santo. Sa Kanluran, dating tinatawag ang Linggo ng Palaspas na Linggo ni Lazaro at ayon kay San Agustin, ang Mabuting Balita na binabasa noong araw na iyon sa opisyal na aklat-dasalan ay ang tungkol sa muling pagbuhay ni Hesus kay Lazaro.
HAMON SA BUHAY
Magiliw si Hesus sa kanyang mga kaibigan at ang mga alagad ay hindi alipin kundi kaibigan kung kanyang ituring. Naisin nawa natin na maging mga tunay na kaibigan ni Hesus at mahalin siya bilang sentro ng ating mga puso at saligan ng ating buhay.
(mula sa panulat ni Fr. RMarcos, sa ourparishpriest website)