IKATLONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
IKAW ANG AKING PAG-ASA
Luke 1:1-4; 4:14-21
MENSAHE
Naranasan mo na bang umasa sa pangako ng iba? Nakapapanabik, nakakikilig pa nga, ang manalig na may magandang dulot ang salita ng isang tao. Ang pangako ay bumubuhay sa ating pag-aasam, sa katiyakan, sa masasandalan. Hanggang, lilipas ang panahon, at ang pangako ay hindi na maririnig, didilim ang dating malinaw, at dadapo ang kasiphayuan. Sabi nga nila, pangako, napapako,
Sa Mabuting Balita, nasaksihan natin ang kabaligtaran ng pangakong napako, dahil nagpapa-alala ang Diyos: ‘Nangako ako at gagawin ko. Nangako ako at tutuparin ko!” Habang nagbabasa si Hesus ng aklat ni Isaias, nanariwa sa mga tao ang pangako ng Diyos. At habang nakamasid sila sa nagbabasa nito, napagmasdan nila ang katuparan ng pangako. Narito na ang Siyang puno ng Espiritu ng Panginoon, ang lilingap sa mahihirap, sa mga bilanggo, sa mga bulag, at sa mga nagdurusa sa buhay.
Kay Hesus, nagbibigay ang Ama sa daigdig ng pag-asa. Siya ang pag-asang inaasam ng ating puso. Siya ang pag-asa na nagpapaningas ng apoy ng tiwala, pananalig, at kasiguraduhan na hindi tayo nakakalimutan ng Diyos. Maaaring mangako at mapako ang mga tao, maging pulitiko, pinuno, guro, gabay, at mahal sa buhay. Subalit ang Diyos kapag nangako, may kasunod na katuparan. Si Hesus ang ating pag-asa na tapat ang Diyos sa kanyang salita. Ang kanyang salita, kilos, presensya, at kapangyarihan ay hindi bumibigo kundi bumubuhay ng ating pananampalataya. “Ngayon, natupad na ang Kasulatan.”
MAGNILAY
Kung nabigo ka na dati sa isang tao, tila ang hirap magtiwala sa pangako muli, di ba? Subukan mong umasa sa Diyos at hindi mo mararanasan ang pagtalikod, pagpapabaya, o paglimot. Lumapit kay Hesus at anyayahan siyang pasiklabin muli ang pag-asa sa iyong puso. Oo, magbabago pa ang lahat, mananaig pa ang katotohanan, at darating pa ang kinabukasang puspos ng kagalakan at kapayapaan.