Home » Blog » IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

 

NASAAN ANG AKING KRUS?

LK 14; 25-33

 


Nanaginip ang isang tao na may pasan siyang malaking krus. Habang naglalakad siya, bumibigat ito. Kaya, huminto siya at nilagari ang dulo ng krus. Sa tuwing mabibigatan siya, nilalagari niya muli ang dulo nito. Kaya gumaan ang krus. Subalit ang kalsada pa lang tinatahak niya ay dapat tumawid ng bangin. Nagtaka siya paano siya babagtas sa kabilang bundok. At narinig niya ang isang tinig: “Gamitin mong tulay ang krus mo para makatawid ka.” Nalungkot ang tao kasi nang tingnan niya ang krus niya, sa sobrang igsi nito, hindi na aabot sa kabilang bundok bilang tulay.

 

Ngayon nahaharap tayo sa matinding mensahe ng Panginoong Hesus. Sino ang makasusunod sa kanya kundi ang nagpapasan ng krus habang naglalakbay sa lupa? Nalilibang tayo sa mga talata sa Bibliya na nakaka-inspire, nakaka-ganyak, nakakapagpasaya. Subalit itong tungkol sa krus, bihira nating pagnilayan ito. kung tutuusin, dalangin natin wala na lang krus sa buhay na magiging pabigat at pagdurusa natin sa bawat araw.

 

Ano ba ang kahulugan ng pasanin mo ang iyong krus? Hindi sinabi ni Hesus, “kahit anong krus” o iyong “krus na nais mong piliin.” Sabi niya “iyong” krus. Ibig sabihin e nandito na yun malapit sa iyo at hindi malayo. Hindi na kailangan pang maghanap o maghagilap.

 

Ang iba sa atin may krus sa kalusugan; iba krus na pinansyal; iba krus ng mga alalahanin; iba krus na espirituwal; at iba krus sa ugnayan sa mga taong nakapaligid sa kanila. Minsan gusto ng Diyos na tulungan natin ang iba sa kanilang krus, subalit tandaan nating una muna natin dapat pasanin ang ating mga kahinaan, kasalanan, pakikibaka at mga problema. Mahirap ito kasi mas gusto nating tumulong kesa maalalang tayo din pala ay may dapat haraping pagdurusa.

 

Bakit mahalagang pasanin ang ating krus? Bakit hindi pwedeng itapon na lang o kalimutan ito? malinaw sa Panginoon na ang krus ang puhunan natin sa buhay. Sabi niya ito ay tulad ng pundasyon ng isang gagawing gusali; tulad ng hukbo na siyang dadalhin ng isang hari sa digmaan. Samantalang lingid sa ating kamulatan ang kahulugan ng ating krus ngayon, may dahilan ang Panginoon para dyan. Ang ating krus, kung iuugnay sa krus ni Kristo, ay magiging kaligtasan natin sa buhay.

 

Sa katahimikan, alamin ang iyong krus ngayon. Sa kababaang-loob, ialay ito sa Panginoon. May pagtanggap, salubungin ang sakit nito at mga demands. May pagtitiwala, hilingin sa Panginoon na magkalakas na pasanin ito. May pag-asa, iugnay ito sa Kanya na nakapako na sa krus alang-alang sa pag-ibig sa iyo!

 

 

1 Comments