Home » Blog » SAINTS OF JULY: SAN JOAQUIN AT SANTA ANA MGA MAGULANG NG MAHAL NA BIRHENG MARIA

SAINTS OF JULY: SAN JOAQUIN AT SANTA ANA MGA MAGULANG NG MAHAL NA BIRHENG MARIA

 

HULYO 26

 

SAN JOAQUIN AT SANTA ANA

MGA MAGULANG NG MAHAL NA BIRHENG MARIA

 


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Napakalawak ng kahulugan ng pagkakatawang-tao ng Panginoong Jesukristo. Dahil sa pangyayaring ito, ginawang banal ng Diyos ang ating pagiging tao at ang ating pagiging miyembro ng pamilya. Ang Anak ng Diyos ay naging tao at sumailalim sa paggabay ng isang ama at isang ina sa lupa.

 

Higit pa diyan, naging bahagi ng isang angkan at isang bayang pinili ang Diyos na ngayon ay naging kapatid, kapamilya at kapuso nating lahat. Sa pamamagitan ng pamilya at angkan sa lupa ni Jesus, binasbasan din niya ang buong daigdig at ang lahat ng pamilya, angkan at lahi sa mundong ito.

 

Maaari nating tingnan ang kapistahang ito sa ganitong nabanggit na pananaw. Pinararangalan natin ang mga magulang ng Mahal na Birhen. Sila ang mga lolo at lola ng Panginoong Jesukristo, mga haligi ng isang angkan sa bayan ng Israel. Sa kanilang kultura, mahalaga ang mga matatanda at dapat igalang at pakinggan sila ng mga nakababata.

 

Sa tradisyon ng mga unang Kristiyano humuhugot ng lakas ang debosyon kay San Joaquin at Santa Ana. Bagamat wala sa Bibliya ang kanilang pangalan at kuwento, naroon naman ito sa ilang mga unang isinulat tungkol sa lihim na buhay ng Mahal na Birheng Maria (apocryphal writings o mga sinaunang akdang Kristiyano na hindi tinanggap bilang bahagi ng Bibliya). Ang mga nakasulat sa apocryphal writings ay hindi kapantay ng mensahe ng Bibliya subalit isang malaking tulong sa pagninilay at panalangin at sa pang-unawa sa mundo at kaisipan ng unang mga Kristiyano.

 

Kapwa daw baog ang mga magulang ni Maria subalit dahil sa isang pagpapahayag ng anghel, ibinunyag ang pagsilang ng kanilang magiging anak na babae. Si San Joaquin ang nakatanggap ng mensaheng ito matapos siyang magdasal at mag-ayuno o fasting sa disyerto. 

 

Inaruga ni Joaquin at Ana ang sanggol na si Maria na may tunay na pagmamahal at pagkalinga. Dahil sa kanila, sa simula pa ay napako na ang isip at puso ni Maria sa pagmamahal at paglilingkod sa Diyos.  Naging madali kay Maria ang maging bukas sa plano ng Diyos dahil mapalad siyang nagkaroon ng mga magulang na nagdala sa kanya sa landas ng kabanalan at pamimintuho sa Diyos.

 

Simula pa noong 2nd century ay kilala na sa ganitong mga pangalan ang mga magulang ni Maria. Nagsimula na ding lumaganap ang debosyon kay Santa Ana lalo na noong 6th century sa Silangan at 10th century naman sa Kanluran. Si San Joaquin naman ay sumunod na ding parangalan nang mga sumunod na panahon.

 

Nagtayo ng mga simbahan sa kanilang karangalan. Pati ang mga Fathers of the Church ay nangaral ng kanilang kabutihan, kabanalan at mabuting kapalaran sa plano ng Diyos. Tinawag na patrona ng mga Kristiyanong ina si Santa Ana. Una siyang inilagay sa kalendaryo ng mga santo. Pagkatapos ay binigyan ng magkasabay na kapistahan ang mag-asawang ito, modelo ng mga lolo at lola, modelo ng mga senior citizen ngayon.

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Alalahanin natin ngayon ang ating mga lolo at lola, ang mga matatanda sa ating paligid at maging ang ating mga ninuno kahit na natin sila naabutang buhay. Dahil sa mga senior citizen ng ating mga pamilya, dumaloy sa atin ang regalo ng pananampalataya at buhay. Bahagi sila ng ating pagkatao ngayon. Maglaan tayo ng dasal para sa kanila sa araw na ito.

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

Mt 13: 16-17

 

Ngunit mapapalad ang inyong mga mata na nakakakita at ang inyong mga tainga na nakakarinig. Sinasabi ko nga sa inyo na maraming propeta at mabubuting tao ang may gustong makita ang nakikita ninyo ngayon pero hindi nila nakita, at marinig ang inyong naririnig pero hindi nila narinig.

 

(MULA SA AKLAT NA “ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)