Home » Blog » SAINTS OF JULY: SANTA BRIGIDA, NAMANATA SA DIYOS

SAINTS OF JULY: SANTA BRIGIDA, NAMANATA SA DIYOS

HULYO 23

 

SANTA BRIGIDA, NAMANATA SA DIYOS


A. KUWENTO NG BUHAY

 

Noong 1303, isinilang sa lungsod ng Uppsala sa Sweden si Santa Brigida. Ang kanyang pamilya ay nabibilang sa mga marangya at tinitingalang angkan ng kanyang bayan.  Nang siya ay labing-apat na taong gulang na, ikinasal siya sa prinsipeng si Ulfo Gudmarsson na noon namay ay labing walong taong gulang.

 

Ang pagsasama nina Ulfo at Brigida ay nagbunga sa kanila ng walong supling. Isa sa mga ito, si Karin ay kinikilala din bilang isang santa ngayon sa bansang Sweden (St. Catherine of Sweden).  Naging ulirang ina si Brigida sa kanyang mga anak at mapagkalingang asawa naman sa kanyang kabiyak ng buhay.

 

Kinuha si Brigida na maglingkod bilang alalay ng reyna ng Sweden na si Blanche, asawa ni Haring Magno II. Habang naroroon sa palasyo ay pinagtiyagaan niyang paglingkuran ang hari at reyna at sinikap niyang maimpluwensyahan ang mga ito na maging mas simple ang pamumuhay, isang bagay na hindi naman niya napagtagumpayang gawin.

 

Namatayan si Brigida at Ulfo ng isang anak na lalaki at dahil dito ay naglakbay sila sa Santiago de Compostela upang magdasal at humingi ng gabay. Nagkasundo ang dalawa na isabuhay ang nalalabi nilang panahon bilang simpleng mga tao na papasok sa monasteryo.

 

Naunang namatay si Ulfo at dahil dito, nagsimula si Brigida na mabuhay bilang isang miyembro ng Third Order Franciscans. Inilaan niya ang kanyang buhay sa panata na tatalikod sa mundo at magsasakripisyo para sa  mga kasalanan.

 

Noong buhay pa ang asawa ni Brigida ay nagsimula na siyang makatanggap ng mga mensahe sa kanyang puso mula sa Diyos. Minsan din ay nakakaranas siya ng mga pangitain o visions. Noong una ay kanyang ikinatakot ang mga pangyayaring ito dahil hindi siya sigurado kung saan ito nagmula. Nagduda siya na baka siya ay nililinlang ng demonyo. Isang mabuting monghe ang naging gabay niya at nagsabing ang mga mensahe at pangitain ay talagang mula sa Diyos.

 

Itinatag ni Santa Brigida ang isang “double” monastery kung saan ang mga monghe (mga lalaki) at mongha (mga babae) ay nakatira sa magkahiwalay na mga gusali subalit sabay at magkasamang nagdarasal sa iisang simbahan. Tinawag ang grupong ito bilang Order of the Most Holy Savior.

 

Nagpunta si Santa Brigida sa Roma noong 1350 at nanatili doon hanggang sa kanyang kamatayan. Nagsikap siyang maimpluwensyahan ang Santo Papa na iwanan ang Avignon (France) at muling bumalik at manirahan sa Roma. Tinuligsa din niya ang karangyaan at kasamaan ng mga may dugong bughaw sa Naples at Cyprus.

 

Noong 1373, namatay si Santa Brigida sa Roma at iniuwi ang kanyang katawan upang ilibing sa Sweden. Siya ang patron saint ng bansang ito ngayon.

 

Ang naiwan niyang mga isinulat na mensahe at mga bunga ng kanyang mga pangitain ay nailimbag at maaaring pagnilayan bilang gabay sa panalangin.  Subalit ang mga ito ay nasa ilalim ng tinatawag na private revelation at hindi itinuturing na bahagi ng opisyal na turo ng simbahan.

 

Ang religious order na itinatag ni Santa Brigida ay hindi gaanong kilala ngayon at kakaunti lamang ang mga kasaping babae. Subalit aktibo sila sa misyon na palakasin ang kilusan sa simbahan tungkol sa ekumenismo o pakikipag-ugnayan  ng mga Katoliko sa mga ibang Kristiyano mula sa ibang mga denominasyon. May kumbento ang mga madre na ito sa Tagaytay City.

 

Ang sangay naman para sa mga lalaki ay halos nabura sa kasaysayan hanggang muling maitatag sa USA sa ating kapanahunan. Ngayon ang superior ng monasteryo ay isang monghe mula sa Pilipinas (tingnan sila sa internet sa website na brigittine.org).

 

 

B. HAMON SA BUHAY

 

Maaaring pati si Santa Brigida ay magugulat sa dami ng bunga ng kanyang naipunlang pananampalataya habang siya ay nabubuhay pa. Taglay pa rin natin ang kanyang mga isinulat. Kahit kakaunti, narito pa rin ang kanyang mga monasteryo at mga monghe at mongha na sumusunod sa kanyang halimbawa.  Ipagdasal natin na tayo rin ay makapag-iwan ng kahit munting butil ng kabutihan sa mundo na magiging bukal ng pag-asa sa kinabukasan.

 

 

K. KATAGA NG BUHAY

 

Gal 2: 20

 

Hindi na ako ang nabubuhay kundi si Kristo ang nabubuhay sa akin. At kung buhay man ako sa laman, nabubuhay ako dahil sa pananampalataya sa Anak ng Diyos, na nagmahal sa akin at nagbigay ng kanyang sarili para sa akin.

 

 

(MULA SA AKLAT NA “ISANG SULYAP SA MGA SANTO, BY FR. RMARCOS)